DHAKA (AFP) – Libu-libong estudyante sa buong Bangladesh ang nagdaos ng protesta at sit-ins kahapon matapos ang mga sagupaan sa isang sikat na unibersidad na ikinasugat ng 100 katao.
Binogahan ng tear gas ng Bangladesh police nitong Linggo ang libu-libong estudyante na nagtipon sa kabisera para hilingin na bawasan ang ‘’discriminatory’’ job quotas.
Naging battleground ang Shahbagh square campus sa Dhaka University matapos libu-libong estudyante ang sumigaw ng kanilang mga protesta at nagdaos ng sit-in demonstrations sa isa sa pinakamalaking protesta laban sa gobyero ni Prime Minister Sheikh Hasina.
Inilaan ng administrasyon ni Hasina ang 56 porsiyento ng trabaho sa gobyerno sa mga pamilya ng beterano ng mga digmaan at disadvantaged minorities, kayat 44% na lamang ng mga trabaho ang natira para pag-aagawan ng karamihan ng university graduates.
Sinabi ng organisers na nagsasagawa sila ng mapayapang protesta nang bogahan sila ng tear gas, barilin ng rubber bullets at gamitan ng batuta at water canon para paalisin ang mga estudyante sa square.
‘’They fired rubber bullets and tear gas at us. They beat us with batons,’’ sabi ni Hasan Al Mamun, lider ng anti-quota student group, na nasa likod ng pambansang protesta sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado.