Ni Mary Ann Santiago

Patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang atakehin ng riding-in-tandem sa tapat ng bahay nito sa Maynila, nitong Huwebes ng gabi.

Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Rizaldy Yap, alyas “Pachot”, 52, ng 1040 New Antipolo Street, Tondo ng nasabing lungsod.

Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na inilarawang may takip sa mukha at nakasuot ng sumbrero.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pamamaril sa ganap na 8:00 ng gabi.

Ayon sa saksi, tumangging magpabanggit ng pangalan, dalawang lalaki na sakay sa isang motorsiklo ang huminto sa tapat ng bahay ng biktima, bumaba ang angkas bago umalis ang driver.

Nilapitan ng armado ang biktima at binaril sa ulo na sanhi ng agaran nitong pagkamatay.

Mabilis na tumakas ang suspek sa hindi batid na direksiyon matapos ang pamamaril.

Tumanggi umano ang pamilya ng biktima na paimbestigahan pa ang insidente, ngunit patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa hinalang may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen.

Kabilang umano ang biktima sa drugs watch list ng MPD-Station 7.