Ni BRIAN YALUNG
TULAD ng nakababatang kapatid na si Ricci Rivero, sentro ng usapin ang kahihinatnan ng collegiate basketball career ng 23-anyos na si Prince Rivero.
Ang pambatong forward ng La Salle Green Archers ay kabilang sa tatlong player na napilitang mag-leave bunsod ng kinasangkutang isyu, kabilang ang itinakdang “no endorsement” policy ng DLSU.
Kamakailan, pormal nang ipinahayag ng kanyang kapatid na si Ricci ang pag-alsa-balutan sa La Salle. Hindi naman malinaw kung susunod si Prince, higit at may nalalabi pa siyang semester bago magtapos ng kurso.
Batay sa bagong regulasyon na naglilimita sa paglalaro sa UAAP sa edad na 24, may isang taon na lang para maglaro si Rivero.
Bunsod nito, malabong umalis si Rivero at lumaro sa ibang UAAP-affiliated school na may sinusunod na two-year residency requirement Sa ganitong sitwasyon, malakas ang usapin na lilipat na lamang ito sa St. Benilde para maglaro sa NCAA.
“We are considering it but everything is up in the air,” pahayag ni coach Ty Tang sa panayam ng MB On-line.