Ni Gilbert Espeña

TIYAK na aangat sa WBC bantamweight rankings si OPBF bantamweight champion Mark John Yap matapos ang kumbinsidong panalo via 12-round unanimous decision sa top contender na si Takafumi Nakajima sa Korakuen Hall nitong Abril 4 sa Tokyo, Japan.

Kasalukuyang No. 5 contender ang tubong Cagayan de Oro city, Misamis Oriental na si Yap kaya tiyak na papasok siya sa sirkulo ng mga puwedeng maglaban para sa bakanteng WBC bantamweight title na huling hinawakan ng nagkaisyu sa paggamit ng performance enhancing drugs (PEDs) na dating kampeong si Luis Nery ng Mexico.

Ito ang ika-10 sunod na panalo ni Yap mula nang magbase sa Osaka, Japan at ikatlong matagumpay na depensa niya mula nang agawin ang OPBF belt sa Hapones ring si Takahiro Yamamoto via 3rdround TKO noong Nobyembre 11, 2016 sa Kobe, Japan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Angat lamang kay Yap sa WBC bantamweight rankings si WBC Silver titlist Nordine Oubaali ng France, Petch Sor Chitpattana ng Thailand, Karim Guerfi na isa ring Frenchman at dating WBA at IBO bantamweight ruler Juan Carlos Payano ng Dominican Republic.

Hindi pinaporma ni Yap sa kabuuan ng laban ang dating WBC Asian Boxing Council featherweight champion na si Nakajima para manalo sa puntos at mapaganda ang rekord sa 29 na panalo, 12 talo na may 14 pagwawagi sa knockouts.

Sa undercard ng laban, pinatulog ng tubong Quezon na si Jon Jon Estrada si Tasuku Nakagawa sa kanilang super featherweight bout para sa double victory ng Filipino boxers sa Japan.