HITIK sa mensahe ng pag-ibig at inspirasyon ang “Just Love Araw-Araw” Summer Station ID ng ABS-CBN na tinatampukan ng 30 Kapamilya artists sa pangunguna nina Vice Ganda, Anne Curtis, Billy Crawford, Karylle, at Vhong Navarro ng It’s Showtime, kasama ang Singer 2018 contender na si KZ Tandingan at ang The Voice PH coach na si Bamboo.
Maririnig na ngayong araw ng buong bansa ang bagong awitin sa tag-araw sa pagsasapubliko ng Kapamilya Network sa opisyal na lyric video nito sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel. Samantala, mapapanood naman ang ng aktuwal na Station ID sa Abril 14 sa It’s Showtime.
Tulad ng “Just Love Ngayong Christmas” Station ID ng ABS-CBN nitong nakaraang Disyembre , hinihimok ng “Just Love Araw Araw” Summer Station ID ang mga Pilipino na ipakita ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagkalinga o paglilingkod sa kanilang pamilya, mga kaibigan, komunidad, at buong bansa. Sa nakakaenganyong liriko at himig, inspirasyon ang dulot ng awitin sa mga tao upang magpakita ng malasakit habang nagsasaya ngayong tag-init at sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Nagbigay-buhay din sa bagong summer anthem ng bayan ang It’s Showime hosts na sina Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, at Amy Perez, Tawag ng Tanghalan (TNT) hurados na sina Rey Valera, Nyoy Volante, Mitoy Yonting, Yeng Constantino, K Brosas, Erik Santos, Jaya, Jed Madela, Louie Ocampo, Ogie Alcasid, at Rico J. Puno, TNT grand finalists na sina Remy Luntayao, Anton Antenorcruz, Tuko delos Reyes, Sofronio Vasquez, Alfred Relatado, at Jovany Satera, maging ang mga “Ms. Q and A’s” finalists na sina Juliana Parizcova Segovia, Matrica Matmat Centino, at Rhian Rianne Azares.
Isinulat ang “Just Love Araw-araw” ni ABS-CBN Creative Communications Management (CCM) head Robert Labayen kasama sina Lloyd Oliver “Tiny” Corpuz at Paolo Ramos ng CCM. Ang musika naman ay komposisyon nina Thyro Alfaro at Yumi Lacsamana, at may dagdag na himig mula kay Jimmy Antiporda.
Naging tradisyon na ang ABS-CBN Summer at Christmas Station IDs ng Kapamilya Network hindi lamang sa istasyon kundi pati sa mga Pilipino sa buong mundo na naghahatid ng mga positibong mensahe ng pag-asa at pagmamahal.