LAKING gulat nina Enchong Dee at Maja Salvador habang nagpi-picture taking sa Paris nang may lumapit sa kanilang babae na tinawag silang Ethan at Margaux, pangalan ng kanilang mga karakter sa seryeng Ina, Kapatid, Anak.
Sa video na ipinost ni Enchong sa Instagram, tinanong ng aktor ang babaeng nagngangalang Alimah kung saan sila nito napapanood.
“Sa Senegal sa Africa. Masaya ako na nakita ko kayo kasi pinapanood ko ang serye nina Margaux, Ethan, at Celine,” sagot nito.
Kaya naman pinasalamatan ni Enchong sa kanyang post ang kanilang African fans na sumubaybay sa naturang teleserye.
“Shoutout sa mga Kapamilya sa Africa. Sana ay makabisita ako dyan sa inyo isang araw,” saaad sa caption ni Enchong.
Ang Ina, Kapatid, Anak na may international title na Her Mother’s Daughter ay ipinalabas sa Senegal at sa iba pang bahagi ng Africa noong 2016.
Kuwento ito nina Celyn (Kim Chiu) at Margaux (Maja), dalawang babaeng magkaibang-magkaiba ang kinagisnang buhay.
Magiging matalik silang magkaibigan hangga’t maisiwalat ang katotohanan na si Celyn ang nawawalang anak ng mag-asawang umampon naman kay Margaux na siyang magiging dahilan ng masidhing kumpetisyon ng dalawa.
Inaasahan na mas marami pang ABS-CBN shows ang ipapalabas sa Africa lalo na’t nagsanib-puwersa noong nakaraang taon ang ABS-CBN at StarTimes, ang nangungunang digital TV operator sa Sun-Saharan Africa. Dulot ito ng mas tumataas pang demand ng African viewers para sa Pinoy dramas.
Patuloy na namamayagpag ang Kapamilya shows sa ibang bansa at napapanood ng iba’t ibang lahi dahil sa ABS-CBN International Distribution. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang kanilang website sa http://internationalsales.abs-cbn.com.