Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at JUN FABON
Tinutugis ngayon ang isang gadget repair shop head technician na sumaksak at pumatay ng customer matapos magtalo dahil sa pagkabigo ng huli na maipakita ang kanyang job order para makuha ang ipinagawang laptop sa loob ng isang mall sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni Superintendent Carlito Mantala, hepe ng Masambong Police- Station 2 (PS-2), ang suspek na si Leo Laab, head technician ng PC Home Service Center, at nakatira sa Tondo sa Maynila.
Ayon kay Supt. Mantala, bago ang insidente ay nagtungo sa nasabing service center ang biktimang si Geraldo Querijero, nasa hustong gulang, sa ikalimang palapag ng isang mall upang kunin ang ipinagawang laptop noong Marso 8.
Subalit hindi umano ibinigay ni Laab ang laptop kay Querijero dahil wala itong maipakitang resibo, bilang patunay na nagpagawa ito ng gadget at nauwi sa mainitang pagtatalo.
Pagsapit ng 5:30 ng hapon, muling bumalik si Querijero sa nabanggit na service center at muling nakatalo ang suspek.
Ayon kay PO3 Elario Wanawan, imbestigador, abala ang dalawang iba pang empleyado ng shop sa pagkukumpuni ng laptop nang marinig ang argumento sa pagitan ng biktima at ng suspek.
Nakita pa umano ng dalawa na pinilipit ni Querijero ang braso ni Laab dahilan upang suntukin nito ang biktima sa dibdib.
Gumanti umano ang biktima at hinagisan ng bottled water sa mukha ang suspek na labis na ikinagalit ng huli, kaya bumunot ng kutsilyo at sinaksak si Querijero.
Isinugod ng mga guwardiya ng mall ang biktima sa JP Sioson General Hospital, ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
Narekober sa pinangyarihan ang dalawang kutsilyo na 14 na pulgada ang haba.