Ni Ric Valmonte
PINUPUWERSA ngayon ng Korte Suprema ang Philippine National Police (PNP) na isumite ang record ng mga napatay, na aabot umano sa 4,000 katao, sa war on drugs ni Pangulong Duterte. Una rito, nangako si PNP Chief Ronald dela Rosa kay Chairman Ping Lacson, ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs, na bibigyan niya ito at ang Committee on Human Rights ng kopya ng nasabing mga dokumento. Ngunit, hindi tumupad sa pangako si Chief Dela Rosa dahil may utos umano ang Pangulo na bago magbigay ng mga dokumento ay kinakailangan ng kanyang pahintulot. Dahil ang Korte Suprema na ang nag-utos, susunod ang PNP pero “on case to case basis”, sabi ni Dela Rosa. “Hindi puwede naming ilabas lahat dahil may proyekto kaming hindi lamang sangkot ang pulis kundi maging sibilyan. Impormasyong ilalabas tungkol sa proyekto ay maaaring maglagay sa panganib ang buhay ng mga PNP informant,” pahayag ng PNP chief.
Pero, hindi ganito ang tingin ni Sen. Trillanes kung bakit dadaan sa batas ng karayom ang pagsunod ng PNP sa kautusan ng Korte Suprema. Aniya, mga peke ang mga dokumento at madaling patunayan ito. Malaking problema para sa PNP kapag nagkaroon umano ng forensic investigation dahil malalaman kung saang bahagi ng katawan ng suspek tumama ang bala, sa ulo ba o sa likod? Kailangan ilabas, aniya, ng PNP ang mahigit 4,000 baril na umano’y ginamit ng mga biktima upang mapatunayan na nanlaban ang mga ito kaya pinatay. At problema rin umano ang fingerprints at powder burns na kailangang ilabas ng PNP para patunayan na nanlaban ang kanilang napatay
“Ang pagrerepaso ng Korte Suprema ng war on drugs ay pagpapalakas ng rule of law sa bansa,” wika ni Sen. Joel Villanueva. Aniya, umaasa siya na makakamit ng pamilya ng mga biktima ang katarungan. Tama si Sen. Villanueva, sa ginawang ito ng Korte Suprema ay pinanaig nito ang batas. Ginamit nito ang kapangyarihang maggawad ng katarungan bilang isa sa tatlong magkahiwalay at pantay na departamento ng gobyerno. At makikita pa ang lakas nito sakaling hindi sundin ang utos dahil nga sa hirap ng daranasin ng PNP. Ang paglakas ng Korte Suprema ay hudyat ng paglakas ng taumbayan.
Kaya lang, baka gamitin naman ng Pangulo ang ginawang ito ng Korte, bilang depensa laban sa imbestigasyon sa kanya ng International Court of Justice sa kasong crime against humanity.