Ni Clemen Bautista
NAKATAKDANG ipagdiwang ngayong Sabado, Abril 7, ang ika-20 anibersaryo ng Antipolo City. Ang pagdiriwang ay pangungunahan nina Antipolo City Mayor Jun Ynares, Vice Mayor Pining Gatlabayan, mga miyembro ng Sanggunian Panlungsod ng Antipolo, mga opisyal ng barangay, mga empleyado ng city hall at ng iba pang Antipolenyos.
Ayon kay Mar Bacani, Tourism Officer ng Antipolo City, ang tema ng pagdiriwang ay “Kadakilaan, Kasaysayan at Kaunlaran”. Tampok ngayong umaga ng ika-7 ng Abril ang Drum and Lyre Competition, na lalahukan ng 10 pangkat ng Drum and Lyre mula sa public at private schools ng Antipolo. Ang competition ay gagawin sa Sumulong Park. Tampok na panauhin ang kilalang mang-aawit at artista na si Angeline Quinto.
Sa hapon ng Abril 7, bahagi naman ng pagdiriwang ang masaya at makulay na parada ng mga kalahok sa “Inter-Barangay Float Competition. Mayroong 16 na barangay sa Antipolo ang kalahok sa nasabing competition. Magsisimula ang parada ng mga float sa Sumulong Park. Daraan sa mga kalsada sa kalunsuran at matatapos sa compound ng Ynares Center. Sa nasabing lugar, ihahayag at pagkakalooban ng gantimpala ang mga nagwagi sa “Inter-Barangay Float Competition”.
Tatanggap ng P100,000 ang unang gagantimpalaan; P75,000 para sa pangalawa; at P50,000 naman sa pangatlong pinakamagandang float. Ang mga hurado ng competition ay mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Department of Toursim (DoT) Region IV-A, at Department of Interior and Local Government (DILG) Region IV-A.
Ang pagiging ganap na lungsod ng Antipolo (component city) ay natupad sa pamamagitann ng House Bill No.9146 ni dating Rizal Congressman Dr. Bibit Duavit, Sr., na pinagtibay ng Kongreso. Nakatulong sa pagkakapatibay ng Panukalang-Batas ang suporta at pakikipagtulungan nina dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr., Antipolo Mayor Victor Sumulong, Daniel Garcia, at dating Congressman Igmidio Tanjuatco, ng Ikalawang Distrito ng Rizal. Naging Batas ang House Bill No. 9146 ni dating Congressman Dr. Bibit Duavit nang lagdaan ni dating Pangulong Fidel V.
Ramos noong Pebrero 3, 1996. Matapos ang plebesito noong Abril 4, 1998, ang Antipolo ay naging isa nang lungsod.
Sa maayos at mahusay na panunungkulan, mula noong 2013, ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, binigyang-prayoridad niya ang mga programa sa edukasyon at kalusugan. Makalipas ang ilan taon, apat na ospital ang naipatayo sa Antipolo City. Ang una ay ang Rizal Provincial Hospital SystemAnnex I, na nasa Barangay Dela Paz. Ang ikalawa ay ang Antipolo City Hospital System Annex II, na nasa Bgy. Dalig at may lawak na 2,500 square meter, 70 bed capacity, x-ray, ultrasound laboratories, at pharmacy. Ang ikatlong ospital ay nasa Sitio Cabading, Bgy. San Jose, na ang pinaglilingkuran ay ang mga nakatira sa iba pang sitio na nasa bundok ng Antipolo. Ang ikaapat na ospital ay nasa Sumulong Highway, Bgy. Mambugan.
Sa pagtatayo ng nasabing mga ospital, sinabi ni Antipolo City Mayor Jun Ynares na sa laki ng Antipolo City, hindi lamang isa kundi apat na ospital ang kailangan upang matugunan ang mga pangangailangang medikal ng mga taga-Antipolo.
Sa programa sa edukasyon, naipatayo ni Mayor Jun Ynares ang Antipolo City Science High School at ang Antipolo Institute of Technology (AITECH). Ito ay nag-aalok ng kursong Bachelor in Construction Management Engineering and Technology (BCMET), na sumusunod sa pangangailangan ng industriya ng konstruksiyon na kaugnay ng Professional Construction Management and Skills Competenct Training Course ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Naipagawa rin ang bagong gusali ng munisipyo ng Antipolo. At sa pagtutulungan ng Pamahalaan Panlungsod at ng Pamahalaan Panlalawigan ng Rizal, nagkaroon ng rehabilitasyon at naayos ang Hinulugang Taktak.
Ngayon, ang Hinulugang Taktak ay nasa kategorya na ng Protected Landscape batay sa Proclamtion No. 412.
Dahil sa mahusay na pamamahala ni Antipolo Mayor Ynares, makailang ulit na ginawaran ng DILG ng Seal of Good House Keeping ang Antipolo City, kasabay ng pagkilala sa Pamahalaang Panlalawigan at ng pamahalaan bayan ng Jalajala. Nasundan pa ito ng gawad na Seal of Good Financial Keeping, na mula rin sa DILG. At ang Manila Bayani Award 2016.
Bukod sa nasabing mga pagkilala, Agosto 16, 2017, sa ginanap na 5th Regional Comprehensiveness Summit sa Philippine International Convention Center (PICC), ginawaran ang Antipolo bilang Most Competitive Component City of the Philippines, kasabay ng pagkilala sa Rizal bilang Most Competitive Province of the Philippines sa ikalawang pagkakataon. Ang pagkilala ay iginawad ng National Competitiveness Council at ng Department of Trade and Industry (DTI). Ang Cainta, Taytay at Angono ay kinilala naman na Most Competitive Municipalities sa Pilipinas, sa kategorya ng first at second class municipalities.
Ang pag-unlad ng Antipolo City ay pinatingkad pa ng katanyagan ng Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay na nakadambana sa katedral ng Antipolo. Maraming deboto ang umaahon sa Antipolo upang magsimba at tumupad ng kanilang panata tuwing Mayo.