Ni Johnny Dayang
Iniutos na ng Malacañang ang anim na buwang pagpapasara sa Boracay sa mga turista upang bigyang daan ang komprehensibong rehabilitasyon ng islang paraiso.
Sa gitna ng mga protestang kaugnay ng desisyon, lumutang na pinakamahusay ang panukalang pagtatayo ng isang malakihang water treatment facility para sa rehabilitasyon ng isla. Alok ito ng makapangyarihang negosyanteng si Lucio Tan, may-ari ng Boracay Tubi, isa sa dadalawang supplier ng tubig sa isla, na magtayo ng pangalawang drainage system. (Ang ‘tubî’ ay tubig sa salitang Ilonggo.)
Sa alok ni Tan, ikokonekta ang drainage system ng Boracay sa panukalang wastewater facility na maglilinis ng maruming tubig at iba pang likido, pati na ulan, upang tiyaking hindi ito lilikha ng anumang kapinsalaan sa kapaligiran kapag inilabas na sa dagat.
Kinilala na ng pamahalaan ang alok ni Tan at inaasahang hindi ito lilikha ng pagkaantala sa iba pang mga isasagawa sa isla. Higit pa rito, kaakibat ng naturang rekomendasyon ang marami pang positibong implikasyon sa ikabubuti ng Boracay.
Una, hindi ito lilikha ng pagkaantala ng ibang mga aktibidad sa Boracay kahit isara pa ng pamahalaan ang isla at ipatupad ang paggiba ng mga istrakturang ipinagawa ng mga pasaway na mamumuhunan.
Pangalawa, pondo ni Tan at hindi ng gobyerno ang gagamitin sa patatayo ng wastewater treatment facility na may kaakibat na kontrata kung saan nakasaad na ang pondong ginamit dito ay hindi garapalang ipapasa sa mga consumers.
Pangatlo, ang pagsasagawa ng panukala ni Tan ay kasabay ng planadong rehabilitasyon ng gobyerno kaya inaasahang magiging mabisa ang ugnayan nito sa iba pang konstruksiyon sa isla.
At panghuli, mas mainam na tanggapin ang panukala ni Tan para lalo niyang mapabuti ang serbisyo ng kanyang Boracay Tubi. Kaugnay nito, ang Boracay Island Water Company Inc., ang kakumpetensiya ni Tan sa water supply, ay mapipilitan ding lalong pahusayin at paangatin ang kanilang serbisyo sa publiko ng Boracay. Ngunit ang pinakamahalagang tampok na panukala ni Tan, ay ang katotohanang wala itong mapeperhuwisyo.
Ang kawalan ng trabaho at kabuhayan ay mapait na katotohanan na dapat isaalang-alang ng gobyerno sa malakihang plano nito. Ang higit na matimbang sa kaso ng Boracay ay ang katotohanang mapananatili ang bilyong pisong buwis na iniaambag ng Boracay sa kaban ng bayan.
Tunay na mas katanggap-tanggap ang magandang pamumuhunang balangkas ng isang investor kaysa sa apurahang desisyon sa pagtugon s problema. Dapat balanse sa tugon sa problema ng Boracay.