STA ANA, Cagayan -- Hindi lang pang-ekonomiya, pang sports pa ang pamosong Port Irene ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
Kabuuang 130 riders, kabilang ang pinakasikat at world-class mula sa bansa at Asya, ang magpapakitang gilas sa kauna-unahang motorcross championship sa isa sa pinaka-abalang Freeport sa bansa.
Tinaguriang 2018 CEZA-Eastern Hawaii National Motocross Championship, ang karera ay magsisilbing ikalawang stage ng Philippine championship series ng National Motorcycle Sports and Safety Association (NAMSSA).
“Since July, it is on record that we have introduced many firsts in CEZA. This is another, and it marks a new milestone in our concerted efforts to promote CEZA as an investment hub and a tourism destination in Northern Luzon,” pahayag ni Secretary Raul L. Lambino, Administrator at CEO ng CEZA.
Higit na magiging abala ang CEZA sa pagharurot ng karera sa Abril 14-15.
Ayon kay Lambino, ang karera ay bahagi lamang sa inilinyang sports program sa CEZA ngayong panahon ng tag-init.
Pangunahing pambato ng bansa si Philippine Motocross Rider of the Year Kenneth San Andres, gayundin ang mga karibal na sina Moy-Moy Flores at Gabriel “Bilog” Macaso.
Naghihintay ang premyo at tropeo sa mga riders na mangingibabaw sa 14 na national categories at dalawang local races na eksklusibo lamang sa mga Cagayan riders.
Iginiit ni Lambino na akma para sa motocross ang bago at rugged off-road race track na dinisenyo para sa kaligtasan ng mga kalahok batay sa panuntunan ng Federation Internationale de Motocyclisme (FIM) – ang world’s governing body para sa two-wheel motorsports at kung saan ang tanging accredtided local group ay ang NAMSSA na kinikilala rin ng
Philippine Olympic Committee (POC).
“Everything is set. The riders and teams are excited to take part in this national motocross event and are eager to give motocross fans a competition to remember,” pahayag ni Stephan “Macky” Carapiet, pangulo ng NAMSSA Phils. at FIM ASIA.
“We are proud to have this sport closely associated with CEZA,” sambit ni Carapiet kasabay ang pasasalamat kay Sec. Lambino.
Ang torneo ay suportado rin ng Eastern Hawaii Leisure Company Limited.