Ni Ric Valmonte
PINADADALO ng Korte Suprema ang kanyang nakabakasyong pinuno na si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa pagdinig ng kasong quo warranto laban sa kanya sa Abril 10. Ang kaso ay isinampa ni Solicitor General Jose Calida sa ngalan ng suspendidong abogado na si Eligio Mallari, na layuning mapatalsik si CJ dahil wala umanong bisa ang pagkakahirang sa kanya.
Nahirang siyang CJ ni dating Pangulong Noynoy na kulang daw ang mga isinumite niyang Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) para sa sampung taon. Ipagpalagay na kulang nga, eh matagal na siyang nanunungkulang CJ. Dapat idinulog ang quo warranto sa loob ng isang taon mula nang siya ay mahirang na Associate Justice o Chief Justice. Ang katwiran ni Solgen Calida, ay ngayon lang nila nalaman ito nang maukilkil sa pagdinig ng impeachment case laban sa kanya sa House Committee on Justice. Katwiran ba ito? Public record ang SALN. Ipinapalagay na nabigyan ng abiso ang lahat tungkol dito at kung kailan ito isinumite dahil nga public record ang nasabing dokumento.
Ganoon pa man, pinadadalo ng Korte si CJ dahil sa siya ang humiling ng oral argument. Ang problema, dahil dadalo raw si Sereno, walang makapipigil sa mga mahistrado na mambato ng mga katanungan. Ang hirap dito, hindi maiiwasan na ang mga mahistradong may kinikimkim na sama ng loob kay CJ, ay maglabas ng sama ng loob na kapaloob sa tanong, ngunit nang ibang uri. Mayroon man o walang kaugnayan sa isyu. Baka suportahan pa nila ang ebidensiyang hinahanap ng House Committee on Justice, kaya inaantala nito ang pagsasalang sa plenaryo ng Kongreso para pagdebatihan ang nabuo nang Articles of Impeachment.
Ito ang pangunahing layunin ng justice committee sa pagpilit nitong padaluhin ang Punong Mahistrado sa mga pagdinig. Dahil ayaw nitong dumalo, pinagbantaan pa siyang papapanagutin ng contempt. Gumawa pa ng nakahihiyang pahayag ang mga Kongresista na ipaaaresto raw nila ito kapag hindi siya dumalo. Kaya, iyong nabigong layunin ng mga Kongresista ay magagawa na ng mga mahistrado sa gagawing pagdinig ng Korte sa kasong quo warranto. Magagawa na ng Korte ang kanyang sarili bilang impeachment court.
Kung pulitikal ang impeachment court, dahil sa ilalim ng Saligang Batas ay papel ito ng Senado, ng mga pulitiko na bumubuo dito, magiging pulitikal na ang Korte. Masama sa panlasa na ang Korte Suprema, na huling hantungan ng mga humihingi ng katarungan, ay papapel na Kongreso. Maaaring maiwasan ito kung hindi magiging misguided missile ang Korte at lilimitahan ng mga mahistrado ang pagdinig sa isyu lamang ng hurisdiksyon.
Mahahalay na ang nangyayari sa ating bansa dahil nawawala na sa hulog ang pamamahala ng gobyerno. Kayang-kayang ituwid ng lakas ng taumbayan ang gulong ito, sa pamamagitan ng pagbabalik sa normal at pamamayani ng rule of law.