NAGING mas mabilis ang mga pangyayari kaysa inaasahan sa kaso ni Joanna Dimafelis, ng Barangay Feraris, Sara, Iloilo.
Pebrero 9 nang ihayag ni Pangulong Duterte na ang overseas Filipino worker (OFW) na si Dimafelis, ilang buwan nang nawawala sa Kuwait, ay natagpuang patay sa loob ng isang freezer sa isang apartment na inabandona ng dati niyang mga amo, isang Lebanese at ang misis nitong Syrian. Nitong Abril 1, sinentensiyahan ng Kuwait court ang mag-asawa ng kamatayan. Sila ay inaresto ng Interpol sa Damascus, Syria.
Matapos madiskubre ang bangkay ni Dimafelis, nanawagan si Pangulong Duterte sa mga Pilipino sa Kuwait na bumalik sa Pilipinas kung hindi nila natatamo ang proteksiyon na kanilang kinakailangan. Nasa kabuuang 3,668 ang umuwi sakay sa Cebu Pacific at Philippine Airlines. Aabot sa 11,000 Pinoy ang hindi dokumentado sa Kuwait.
Sa mabilis na aksiyon ng korte, pinatunayan ng Kuwait sa Pilipinas at sa buong mundo na ang pumatay kay Dimafelis ay hindi makaliligtas sa parusa. Mahaba pang panahon ang bubunuin bago ito mangyari, ngayong nasa kani-kanilang bansa pa ang mga amo ni Dimafelis at naghihintay ng extradition. Maaari silang umapela sa parusang kamatayan kapag bumalik sila sa Kuwait.
Ngunit ginawa na ng Kuwait ang makakaya nito at mabilis na inaksiyunan ang kaso. Hindi kilala ang ating korte sa ganoong kabilis at agarang aksiyon, sa pagkakaroon ng mga kasong hindi nareresolba sa loob ng maraming taon. Hindi man natin gustuhin na ganoon kabilis ang sistema ng ating korte — hindi aabot sa tatlong buwan mula nang madiskubre ang bangkay noong Enero 9 hanggang sa may naipakulong nitong Abril 1— ngunit hindi dapat abutin ng maraming taon ang ating korte na makapagdesisyon sa mga kaso.
Mahalaga para sa atin ang naging aksiyon ng pamahalaan ng Kuwait sa kaso ni Dimafelis. Dapat na mas maging panatag ang libu-libong Pilipino na patuloy na nagtatrabaho sa Kuwait nang mabatid ang mabilis na pagkilos ng gobyerno matapos madiskubre ang kahindik-hindik na pagkamatay ni Dimafelis at nanawagan si Pangulong Duterte sa iba’t ibang bansa sa Middle East na tratuhing tao ang mga Pilipinong manggagawa.
Ang pinakaaasam natin ay gawing opsiyon ang pagtatrabaho sa ibang bansa, at hindi pangangailangan, para mga Pinoy.
Ito ang ating pangarap na kinakailangan nating pagsikapan upang maaabot ang malago at maunlad na ekonomiya.