Ni Annie Abad
PORMAL na sisimulan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang programa para sa Indigenous People sa kapuluan sa gaganaping IP Games sa Abril 23-29 sa Davao del Norte.
Mismong si Davao de Norte Gov. Anthony G. del Rosario ang naglatag nang programa para sa kahandaan ng lalawigan sa kauna-unahang multi-event meet para sa Indigenous People sa bansa.
Sa ginanap na Coordination Meeting na dinaluhan ni Gov. del Rosario, mga lider ng tribal group mula sa siyam na munisipalidad at dalawang lungsod sa DavNor at kinatawan ng PSC, sa pangunguna ni Executive Assistant Karlo Pates at Provincial Sports Office head Giovanni Irong Gulanes, naselyuhan ang pagsasagawa sa una sa anim na IP Games na nasa pangangasiwa ni Commissioner Charles Maxey.
Bukod sa DavNor, host din ng Indigenous People’s Games ang Lake Sebu sa Hunyo 11-16; Ifugao sa Hulyo 31 hanganng Agosto 5; Bukidnon sa Agosto 14-19; Benguet sa Setyembre 18-23 at Nueva Vizcaya sa Oktubre 16-21.
Samantala, lalarga na rin ang unang leg ng PSC Visayas Open ngayong weekend sa Cebu City.
Tampok ang 15 sports — are boxing, karatedo, taekwondo, arnis, judo, table tennis, tennis, badminton, archery, air rifle, weightlifting, triathlon, open water swimming, marathon at swimming – sa grassroots program na pinangangasiwaan ni Commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez.
Ayon kay Fernandez ang torneo ay isasagawa tuwing ikatlong buwan sa hangarin ng PSC na makahanap ng mga potensyal na atleta mula sa Visayas para maisama sa National Team. May parehong programa na isasagawa sa Luzon at Mindanao.
Naghahanda na rin ang PSC para sa gaganaping Philippine National Games sa Mayo 19-25 sa Cebu City, Cebu Province, Naga City, Tabuelan, Danao City, Lapu-Lapu City at Mandaue City.
Ang PNG ay para sa mga atleta na may edad 16-pababa.