Ni (Ikalawa sa tatlong bahagi)

SA mga darating na araw, ang cellular phone ay magiging isa sa mga pangunahing kagamitan sa pagsasaka sa bukid at pangingisda sa gitna ng laot. Ngunit hindi para gamitin lang sa pag-text, chat, tawag at pagpe-Facebook, kundi upang malaman kung alin sa bahagi ng lupain, ang nababagay sa binhing itatanim o lugar sa dagat na dapat hagisan ng lambat para sa masaganang huli.

Ang cellphone ay ipangsa-surf sa internet, sa website ng Department of Agriculture (DA), na may bahaging tinatawag na “National Color-Coded Agricultural Guide (NCCAG) Map” at may URL ito na http://farmersguidemap.da.gov.ph/ -- na nagtataglay ng lahat na kailangang impormasyon ng mga magsasaka at mangingisda bago sila gumawa sa napili nilang lugar.

Ito ay isa sa mga maka-sayantipikong tulong ng pamahalaan na kung tawagin ay “Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture” (AMIA) – at inumpisahan lamang ito nitong unang linggo ng Marso -- upang tumaas ang ani at huli ng mga magsasaka at mangingisda, gayundin upang maging handa sila sa pagharap sa lumalalang problema ng “climate change” na siyang pangunahing banta sa kanilang trabaho.

Bahagi ito ng sampung istratehiya o pamamaraan ng DA upang agad maisakatuparan ang tatlong layunin nito: 1. Masagana at abot kamay na pagkain para sa Pilipino; 2. Karagdagang kita para sa mga magsasaka at mangingisda; 3. Pagiging matatag laban sa kalamidad na dulot ng climate change.

Ang iba pang modernong mga pamamaraan na isinusulong ng DA ay ang paggamit ng “solar power system”, makabagong makinarya, paggamit ng “underground water”, at iba pang mga makabagong pamamaraan na dulot ng “information technology” gaya ng pagtuklas ng iba pang application sa cellphone, na magpapagaan sa trabaho at sa pagnenegosyo ng mga magsasaka at mangingisda.

Kasabay nito ang mga pag-aaral at pagsasaliksik hinggil sa mga pangunahing produkto na mabilis magamit at mauubos dito sa bansa – upang makuha ang ratio ng volume ng pagkaing kinukunsumo ng mga Pilipino sa mabilis ding paglaki ng populasyon nito. Mahalaga ito sa pagpaplano ng pamahalaan upang ganap na malutas ang problema sa “food production” sa buong bansa.

Ang isa pang proyektong nginitian ko, ay ang nakalatag nang direktiba mula kay DA secretary Manny Piñol para sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC) na gumawa ng “lending package providing crop insurance loan for high risk areas”. Kasama na rin dito ang partnership sa Land Bank of the Philippines na pinagagawa naman ng “sizable funding for the inland fisheries”, gaya ng fishponds at iba pang fish cage industries, na makatutulong sa biglaang pagkawala ng supply ng isda sa buong bansa.

Isa rin sa pinagtutuunan ng pansin ng DA ay ang “livestock, dairy at poultry program” sa buong bansa. Mantakin mo nga naman, para sa isang bansa na may populasyon ng halos 105 milyon, may katapat lang ito na 2.5 million na cattle. Halos isang porsiyento lamang ng kabuuang bilang ng ating populasyon. Kaya naman ‘di kataka-takang maging sobrang mahal ng halaga ng mga bilihing ito dahil sa laki ng demand!

At ito ang nakikita kong malaking insulto sa karamihan ng pamilyang magsasaka sa bansa – kasama kasi sa binibili nila sa palengke, na mga pagkaing inihahain nila sa kanilang hapagkainan, ang dose-dosenang ITLOG na nasisiguro kong galing sa mga poultry farms ng mga multi-national company na nag-o-operate dito sa bansa!

Kaya naman ang PRIORITY ng mga tauhan at opisyal ng DA ay palagi nang nakatuon ngayon sa misyon nitong itinakda ng administrasyong Duterte: “Provide available and affordable food for the Filipinos!”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]