Ni Annie Abad
TUMULAK patungong Uzbekhistan ang dalawang batang weightlifters ng bansa na sina Rosegie Ramos at Jane Linete Hipolito upang magsanay para sa qualifying games para sa 2018 Youth Olympic Games.
Sina Ramos at Hilpolito na kapwa tubong Zamboanga City, napiling kinatawan ng bansa para sa nasabing kompetisyon, ay kabilang din sa mga scholars ng Alsons Power Group at ni 2016 Rio Olympic silver medalist Hidilyn Diaz.
Ang 13-anyos na si Ramos, gold medalist ng 2016 National Finals ng batang Pinoy at nakapag uwi naman ng bronze medal sa ginanap na weightlifting competition sa Tokyo, Japan noong nakaraang taon.
Naiuwi naman ni Ramos ang silver medal buhat naman sa Hidilyn Diaz Weightlifting Open Championship (HDWOC) at isang ginto sa Hermosa Weightlifting Championship.
Samantala, ang 16-anyos na si Hipolito naman ay nakasungkit ng dalawang gintong medalya at isang pilak buhat sa Batang Pinoy sa 2014 at 2015 edisyon nito, habang nag-uwi din si Hipolito ng bronze medal buhat sa 2016 weightlifting competition na ginanap sa Tokyo, Japan.
Ang nasabing scholarship na pinapakinabangan ngayon ng dalawang batang weightlifters ay bahagi ng pangako ng Alsons na tumulong sa edukasyon ng mga kabataan sa Zamboanga lalo na ang mga batang may talento gaya ng kanilang pambato na si Diaz.
Ang Youth Olympic Games ay nakatakdang ganapin ngayong Oktubre sa Buenos Aires, Argentina.