NAPUTOL ng pambato ng FIST Gym na si Richard Redman ang tatlong dikit na talo makaraang pasukuin sa first round pa lamang ang mas matangkad na si Brian Paule upang pagharian ang main event ng Casino Filipino (CF) Battle Extreme Tournament of Superstars (BETS) V kamakailan sa CF Manila Bay sa Ermita, Manila.
Binansagang “The Cannibal”, binalewala ng 5’7” na si Redman ang limang pulgadang bentahe sa taas ni Paule sa pamamagitan ng agresibong atake mula sa opening bell para puwersahing mag-tapout ang katunggali gamit ang rear-naked choke.
Ito ang ikatlong tagumpay ni Redman sa walong laban, habang nanatili namang bigo si Paule sa dalawang professional fights makaraang magwagi sa isang amateur contest kontra Jem Romero noong 2014.
Sa co-main event, hindi naglubay si Arvin “Asintado” Chan sa kanyang matitinding bigwas kaya’t sa loob lamang ng 18 segundo ng kanilang bakbakan ni Ace Almeria ay napilitang mag-tapout ang huli matapos indahin ang mga solidong tama sa katawan.
Ang nasabing panalo na nagpaangat sa kanyang fight record sa 3-8-0 (win-loss-draw) ay ang ikalawang sunod na first-round win ni Chan, kasunod ng kanyang submission victory laban kay Joel Labonero sa CF BETS IV noong nakaraang Disyembre. Ito naman ang unang pagkatalo ni Almeria sa loob ng siyam na laban.
Nagsilbi ring tampok na bahagi ng eight-fight card na dinagsa ng mixed martial arts (MMA) enthusiasts ang hamukan nina Denice Zamboanga at ng South Korean na si Hye Seon Kim na pinagwagian ng una.
Pinasuko ni Zamboanga, nakababatang kapatid ng Universal Reality Combat Championship (URCC) bantamweight king na si Drex, ang katunggaling si Kim sa ikalawang minuto at 47 segundo ng second round sa pamamagitan ng arm bar matapos paulanan ng suntok at tuhod ang dayuhan sa unang bahagi ng kanilang bakbakan.
Ito ang ikalawang dikit na tagumpay ni Zamboanga bilang professional fighter makaraan ang kanyang matagumpay na debut sa Korea noong nakaraang Enero.
Ang BETS V ay inihatid ng CF at URCC sa pamamagitan ng Live Artists Production.
“We’re very happy that the fifth installment of the CF BETS series exceeded expectations as far as generating excitement is concerned. All the fights were fiercely fought and the fighters really gave their best not only for personal glory but also to entertain the casino crowd. With this, we’re very certain about attracting huge mixed martial arts spectators in future CF BETS events,” pahayag ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Assistant VP for Entertainment Bong Quintana.
Sa iba pang mga laban, umiskor ng isang split decision win si Victor Torre laban sa Cebuano warrior na si Dennis Salazar, habang humablot naman ng knockout victory sa second round si Lucky Mateo kontra isa pang Koreanong si Kevin Park. Ang tanging panalo lamang ng mga bumisitang Korean gladiators kontra mga Pinoy ay naitala ni Kim Ki-Sung laban kay Niel Laraño na kanyang na-knockout sa round two. Ito ang maugong na pagbawi ni Kim mula sa pagkabigo kay Filipino-American Mark Striegl sa CF BETS IV.
Nakapagposte rin ng madaling panalo si Norman Agcopra kay Kim Kyu Hwa na walang awa nitong ginulpi sa opening round.