Nina Rommel P. Tabbad at Beth Camia
Sisiputin ni Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang oral argument ng Korte Suprema, na gagawin sa Baguio City sa Martes, Abril 10, kaugnay ng quo warranto petition na humihiling na i-disqualify at patalsikin bilang mahistrado si Sereno.
Ito ang tiniyak ni Atty. Jojo Lacanilao, tagapagsalita ng Punong Mahistrado, na nagsabing pagbibigyan ng kanyang kliyente ang panawagan ng mga kasamahan nito sa hudikatura na humarap ito sa nasabing pagdinig.
Nagulat, aniya, sila sa naging desisyon ng mga mahistrado na padaluhin sa pagdinig sa petisyon si Sereno.
Nagpahayag ng paniniwala ang kampo ni Sereno na matatanggal lamang ang Punong Mahistrado sa pamamagitan ng impeachment complaint.
Nauna nang nagpahayag ng suporta si Solicitor General Jose Calida sa naging hakbang ng Korte Suprema na isalang sa oral arguments ang inihain nilang petisyon.
Inayunan din nito ang kautusan ng kataas-taasang hukuman na padaluhin sa pagdinig si Sereno na tanging makasasagot sa mga katanungan ng mga mahistrado sa isasagawang pagdinig.