SINIMULAN na nitong Lunes ang manu-manong muling pagbibilang at pagrebisa sa mga boto para sa bise presidente noong 2016 election, sa pangunguna ng Presidential Electoral Tribunal (PET). Para sa muling pagbibilang ng boto, nagpakalat ang PET ng 50 set ng revisor, na ang bawat isa ay may mesa sa Supreme Court gymnasium sa Ermita, Maynila. Bubuksan nila ang 1,400 balota mula sa tatlong probinsiya sa Camarines Sur, Iloilo, at Negros Occidental, at isa-isang susuriin ang balota at ire-record ang boto para sa bise presidente.
Ito ang unang pagkakataon na umabot sa ganitong punto ang isang election protest, kaya naman sinusubaybayan ang proseso nito. Matapos ang 2004 election, naghain ng protesta ang kumandidato sa pagkapangulo na si Fernando Poe, Jr. laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ngunit hindi umabot sa puntong muling binilang ang mga boto. Taong 2010, naghain din ng election protest si Mar Roxas laban kay Jejomar Binay, ngunit hindi rin umabot sa ganitong sitwasyon.
Tanging ang protesta ng vice president candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Leni Robredo ang umabot sa ganitong punto kung saan muling binuksan ang mga balota, sinuri at binilang, at ang resulta ng kada balota ay ikukumpara sa resultang ipinagkaloob ng Smartmatic automatic counting machines. Ginagawa ng PET ang lahat upang matiyak na ang muling pagbibilang ay legal, at hindi magrereklamo ang magkabilang panig.
Binubuo ng 1,400 ballot boxes na isa-isang susuriin at bibilangin, aabutin ng ilang buwan para sa grupo na makumpleto ang kanilang trabaho. Ang ballot boxes ay naglalaman ng 300 hanggang 700 balota; kapag marami ang balota, ito ay inaasahang aabutin ng 11 oras na trabaho.
Mayroong sariling protesta si Vice President Robredo sa pagkuwestiyon sa resulta ng mahigit 30,000 presinto sa mga probinsiya kung saan nanalo si Marcos. Pagkatapos ng muling pagbibilang ng boto, magdedesisyon ang PET kung ang bagong kabuuang bilang ay tama sa pagkakapanalo ni Robredo sa botong 263,473.
Sa layuning malaman kung sino ang nanalo sa 2016 vice presidential election, kinakailangang antabayanan ng PET at ng Commission on Elections ang bawat proseso ng manu-manong muling pagbibilang upang matukoy kung anu-ano ang mga pagbabago at reporma na maaaring gawin sa kasalukuyang election process upang maiwasan ang magastos na protesta tulad nito.
Halimbawa, matagal nang ipinapanukala ang manu-manong bilangan kasabay ng automated transmission at consolidation ng precinct results, para sa mas malinis na eleksiyon. Mahalaga ang magiging resulta ng manu-manong pagbilang, na sinimulan nitong Lunes, sa panukalang ito.