NAGKAMPEON ang Team Mapepe na kinabibilangan nina Adrian Perez, Alexis Emil Maribao at Rudolf Perez sa katatapos na 1st Kap. Relly M. Medina 3 vs 3 chess team tournament (2050 Team Average Rating) na ginanap sa Covered Court, St. John Subdivision, Brgy Ibaba, Sta. Rosa City, Laguna nitong Linggo (Abril 1, 2018) na magkatuwang na inorganisa nina Gary Arcamo Legaspi at Wilfred Laurence “Larry” Dumadag.
Pinangunahan nina National Chess Federation of the Philippines (NCFP) director Martin “Binky” Gaticales at national arbiter Ernier Gonzales ang pag-gawad ng top prize P20,000 plus trophy sa nagkampeon na Team Mapepe na nakalikom ng kabuuang 14.0 puntos, kalahating puntos ang angat sa sumegunda na Barangay Kua (13.5 pts.) at 1.5 puntos ang lamang sa tumerserang koponan na Areque’s Gambit (12.5 pts.).
Sa sixth at final round, panalo si Alexis Emil Maribao kontra kay Ronald Hermida sa Board 1, naghatian naman ng puntos sina Adrian Perez at Sherwin Tiu sa Board 2 at namayani naman si Rudolf Perez kay Domingo Libay sa Board 3 para maihatid ang Team Mapepe sa 2-1 victory sa koponan ng Libay Libayan sa top board encounter.
Umibabaw naman ng Barangay Kua na binubuo nina Nelson Busa Jr., Nixon Curioso at Vincent Bryan Paragas kontra sa koponan na Montalban Lakers na sina Paul Louis Orozco, Alvin Roma at Enrique David III.
Panalo rin ang Areque’s Gambit na sina Reynaldo Geraldo, Jerry Areque at Emil Chua kontra sa koponan ng Mariano Wagman nina Rodolfo Panopio Jr., Ricardo Batcho at Paul Anthony Sanchez.