Ni Erik Espina
OKTUBRE 31, 1896, nagpahayag ng dalawang dekreto si Pangulong Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Ang una niyang ipinag-utos ang pagpapatayo ng pambansang katihan na pinag-ugatan ng kasalukuyang Philippine Army. Nakaguhit din ang kumpas kung sino at alin ang bubuo sa istruktura ng bagong tatag na hukbo. Sa pinakasampung talataan ang orden sa pag-organisa ng tinaguriang “Citizens’ Guard”, sa ilalim ng isang kapitan na itinalaga ng Komite sa bawat munisipyo. Inuutusan lahat ng mamamayan na sumapi rito upang magsilbing depensa ng bayan. Ayon sa mga akademiko ng kasaysayan, ito ang batas na nagtatag sa Laang-Kawal o Reserve Force. May ibang propesor naman na salungat dito.
Anila, sandatahang lakas ito ng mga Mamamayang-Kawal o Citizen Soldier. Kung susuriing mabuti ang magkaibang pananaw, mas pabor ako sa huling pananaw. Ang Laang-Kawal sa makabagong panahon, at base sa karanasan ng ibang mga bansa ay may uniporme, suweldo, allowance, medical assistance, at iba pa. Kahit ikumpara sa mga naging unang kawal sa Amerika noong rebolusyon kontra sa England, may datos na nagsasabing may bayad ang kanilang pagsama sa bakbakan, na pinangunahan ni George Washington. Kung pagbabatayan ang mga dokumento ni Aguinaldo, walang pakimkim, o kahit singkong-duling ang ibinibigay sa mga “Citizens’ Guard”. Ibig sabihin, mga “volunteers” ito na puro mamamayan, subalit handang ipaglaban ang kanayunan kontra sa mga Kastila. Sa pangalawang dekreto ni Aguinaldo ay hinihikayat ng Pamahalaang Panghimagsikan ang lahat ng mamamayang Pilipino na umaklas gamit ang armas, upang iproklama ang kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas. Ang pagtatangi ng Laang-Kawal sa Mamamayang Kawal ay mahalagang konsepto na kailangang maunawaan ng Palasyo, kongreso, at AFP. Ang Reservist, bagamat nakaunipormeng volunteers, ay dagdag puwersa sa mga regular na sundalo. Habang ang Mamamayang-Kawal dapat nakakubli at nakasawsaw sa “madlang-pipol” bilang “invisible army” na magtutuloy ng labanan, kahit nagapi na ang pamahalaan at mga institusyong bayan.
Amyendahan sana ang RA 7077 tungkol sa Reservists.