Ni Reggee Bonoan
HANGGANG ngayon pala ay hindi pa nare-review ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pelikulang Citizen Jake ni Atom Araullo na idinirihe ni Mike de Leon. Sa pagkakaalam namin ay nagsumite na ng form to review.
Marami kasi ang nagtatanong din sa amin kung kailan ipapalabas sa mga sinehan ang Citizen Jake dahil na-curious sila sa nababasa nilang mga review ng bagong pelikula ni Direk Mike after 19 years.
Halos lahat ng kasama sa pelikula ay maipagmamalaki ang pelikulang ito kaya ipino-promote nila nang husto.
Maging kami ay nagsasabi sa mga kaibigan namin na sana ay huwag itong kaligtaang panoorin kapag nabigyan ng tsansang maipalabas sa mga sinehan.
Isa sa mga mapapansin sa Citizen Jake si Luis Alandy na ginagamit na ngayon ang tunay na pangalang Adrian.
Gumaganap siya sa pelikula bilang si Pony Boy o nagtatrabaho bilang guide ng mga kabayo sa Wright Park, Baguio.
Kuwento ni Adrian, hindi niya pinakawalan ang project na ito dahil first time niyang makakatrabaho si Direk Mike.
Ito ang dahilan kaya biglang nawala ang karakter niya sa seryeng The Greatest Love bilang asawa ni Dimples Romana.
“Sa Baguio po kasi ang shooting ng Citizen Jake, eh, araw-araw ang shooting namin, hindi ko kakayaning isabay ang TGL kaya nagpaalam naman ako sa kanila (GMO unit) na puwedeng mawala na ako sa show kasi dahil sa shooting. Medyo sumama ang loob, pero naintindihan naman po nila,” Kuwento ni Adrian nang makatsikahan namin over dinner pagkatapos ng screening ng pelikula sa UP Film Center.
Going back to Citizen Jake, kailan nga ba ito ire-review ng MTRCB? At ano rin kaya ang ibibigay na rating dito?
Sigurado naman kami na kapag ni-review ito ng Cinema Evaluation Board o CEB ay tiyak na Grade A ito.