Ni Bert de Guzman
HINDI tatanggap ng pera (blood money) ang pamilya ni OFW Joanna Demafelis mula sa kanyang employer-murderers na sina Lebanese Nader Essam Assaf at asawang Syrian na si Mona Hassoun. Ang nais nila ay hustisya para kay Joanna na ang bangkay ay natagpuang nakasilid sa freezer ng isang apartment sa Kuwait. Uso ang “blood money” sa Middle East para maabsuwelto ang akusado.
Sa pagtanggi ng Demafelis family sa posibleng alok na “duguang salapi” mula sa mga Arabong killer ni Joanna, patunay ito na nagtutungo sa ibang bansa ang mga Pilipino para maghanap-buhay nang malinis at kumita ng pera para sa kanilang mga pamilya dahil walang makitang trabaho sa Pilipinas.Isipin na lang natin na nagpapakahirap ang mga manggagawang Pilipino, kabilang ang kababaihan, para kumita sa Gitnang Silangan upang mapag-aral at magkaroon ng disenteng pamumuhay ang mga anak sa ‘Pinas. Gayunman, nakalulungkot na tinatrato silang mga alipin ng kanilang employers, ginagahasa at pinapatay pa.
Sa puntong ito, dapat papurihan si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) dahil sa kanyang maalab na pagmamalasakit sa libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na minamaltrato sa Kuwait at iba pang mga bansa sa Middle East at maging sa Europe at Asia. Nasa tamang direksiyon ang pagbabawal niya na magpadala ng Filipino workers sa Kuwait.
Tuloy pa rin ang biyahe ni ex-Sen. Jinggoy Estrada sa US kahit itinanggi ng Fil-Am group, ang US Pinoys for Good Governance (PS-PGG), na inimbitahan nila si Jinggoy para magsalita sa grupo. Pinayagan siya ng Sandiganbayan na magpunta sa US, mula Abril 30 hanggang Mayo 30, dahil sa imbitasyon ng US-PGG.
Lalong “dumilim” ang pag-asa na muling mag-usap ng kapayapaan ang gobyerno ng Pilipinas at communist rebels matapos sunugin ng New People’s Army (NPA) ang 10 heavy equipment noong Easter Sunday sa Davao City. Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, chairman ng government peace panel, nabigo ang Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-NPA na patunayan ang kanilang sinseridad sa pagpupursige ng kapayapaan sa pamahalaan.
Para kay Bello, hindi niya irerekomenda kay PRRD ang resumption ng peace talks sa mga komunista dahil sa kawalan nila ng sinseridad. Samantala, kinondena ni Davao City Mayor Sara Duterte ang paninira ng heavy equipment ng NPA.
Ani Sara: “The attacks were downright cowardly and indicate that the NPA is nothing but a terrorist group that deserves our collective rejection and condemnation.” Mga duwag sila.Ano ba ang nangyayari sa atin? Sunud-sunod ang pagtataas ng presyo ng langis, Meralco at tubig. Nagsitaas din ang presyo ng mga pangunahin bilihin. Tinatanong ako ng mga kakilala at kaibigan kung ito ay epekto ng TRAIN ng Duterte administration. Sabi nila, noon ay palpak ang tren nina ex-PNoy at Abaya, ngayon naman ay sinasagasaan tayo ng Duterte TRAIN!