Nina MARTIN A. SADONGDONG at CHITO A. CHAVEZ

Walang ebidensiyang nagdidiin kay Cebu City Mayor Tomas Osmeña sa ilegal na droga.

Ito ang paglilinaw kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald dela Rosa na salungat sa alegasyon ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre III laban sa alkalde.

Inilahad ni dela Rosa na ang umano’y pagkakadawit ni Osmeña sa ilegal na droga ay batay lamang sa mga pahayag ni Aguirre.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“So far, wala kaming pinanghahawakan (evidence). Iba naman ‘yung pinanghahawakan ni SOJ (Secretary of Justice). Ang basis niya ‘yung nag-surrender na drug personality na pinsan ni alyas Jaguar, ‘yung pinakamalaking drug lord ng Cebu,” paliwanag ni dela Rosa.

Partikular na tinukoy ni dela Rosa ang naging pahayag ni Aguirre na nagpalabas ng affidavit si Reynaldo “Jumbo” Diaz na nagsasabing nakakuha si Osmeña ng P2 milyon noong 2013 at P5 milyon noong 2016, mula sa napatay niyang pinsan, ang hinihinalang drug lord na si Jeffrey “Jaguar” Diaz.

Matatandaang inaresto ng pulisya si Reynaldo sa Matnog, Sorsogon noong Setyembre 2016, ngunit nai-turn over ito sa National Bureau of Investigation (NBI).

“Hinuli namin siya sa beach resort sa Sorsogon only to find out na nag-surrender na siya sa kanila (NBI) kaya ibinalik namin sa kanila. So, hindi sa amin naibigay ang information, wala kaming hawak ngayon. Sila ang may hawak,” lahad ng opisyal.

Kamakailan, nagbatuhan ng alegasyon sina Aguirre at Osmeña na nagresulta sa panawagan ng alkalde na magbitiw na lamang si Aguirre sa puwesto matapos ang kontrobersiyal na pagbasura sa drug case laban sa mga hinihinalang drug personalities na si Rolando “Kerwin” Espinosa Jr., Peter Lim, at sa 20 iba pa.

Kinumpirma rin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na hindi kabilang si Osmeña sa listahan ng narco-politicians.

“He is not included in the narco-list,” sabi pa ni Aquino.