WALONG taon na ang masayang kuwentuhan, tawanan, at musika sa Tonight With Arnold Clavio at ngayong Miyerkules (April 4), “Back to the ‘80s” ang tema ng anniversary episode ng programa.

Kung ‘80s lang din ang pag-uusapan, sino nga ba ang hindi makakaalala sa youth-oriented variety show na That’s Entertainment?

Humanda na sa mga tawanan at kuwelang kuwentuhan kasama ang walo sa napakaraming artistang nag-graduate sa That’s Entertainment – sina Ara Mina, Nadia Montenegro, Sharmaine Arnaiz, Donita Rose, Keempee de Leon, Chuckie Dreyfus, Jojo Alejar, at Isko Moreno.

Aalamin ni Igan kung ano ang latest happening sa buhay ng kanyang mga bisita. Sabay-sabay silang magbabalik-tanaw sa dekada 80 na isa sa pinakamasaya at makulay na era pagdating sa music, fashion, TV, at pop culture!

Tsika at Intriga

Olats sa politika: Luis, nagtanong alin sa shows niya trip ibalik ng netizens

Babalikan din ng TWAC kung paano nadiskubre sa showbiz ang That’s Entertainment alumni pati ang kanilang memorable experiences bilang miyembro ng That’s noon.

Mapupuno naman ng musika ang larong mala-Name That Tune na bilis at talas ng memorya ang magiging labanan ng Team Titas o Team Titos sa pag-alala ng iba’t ibang ‘80s hit songs.

Hindi rin makakaligtas sa tatak TWAC game na “Nasubukan mo na ba?” sina Isko, Ara, Jojo, Sharmaine, Chuckie, Keempee, Nadia at Donita. At ang mga karanasang pag-uusapan sa segment na ito ay may kinalaman lahat sa pagiging batang ‘80s.

Siyempre, hindi makukumpleto ang mini-reunion kung hindi sila magbibigay-pugay sa ‘heart and soul’ ng That’s Entertainment na si German “Kuya Germs” Moreno.

Samahan si Igan sa espesyal na pagdiriwang na ito ngayong 10:15 ng gabi sa Tonight with Arnold Clavio sa GMA News TV.