Ni Manny Villar

INAPRUBAHAN ng Senado noong nakaraang buwan ang Philippine Identification System (PhilSys) Act of 2018 na nagtatatag ng pambansang sistema sa identipikasyon. Nauna nang ipinasa ng Mababang Kapulungan ang kaparehong panukala.

Malaon nang pinanukala ang bagay na ito. Naaalala ko nagkaroon ng malawak na debate at diskusyon tungkol dito noong ako ay Speaker at maging ako ay naging Presidente ng Senado. Mainit ang debate ngunit nakasentro ang isyu sa pagitan ng seguridad ng bansa at karapatan sa privacy.

Tinukoy ng mga tutol sa panukalang batas ang maaaring paglabag sa karapatan ng bawat isa na maging pribado. Ayon sa kanila, ang pagkakaroon ng pambansang ID system ay maglalagay ng maraming pribadong impormasyon sa kamay ng estado.

Ayon naman sa mga kritiko, maaaring gamitin ng tiwaling opisyal ng pamahalaan ang mga impormasyong ito upang atakihin ang oposisyon o upang tiktikan ang mga pribadong mamamayan.

Nauunawaan ko ang mga pag-aalalang ito. Iniaatas ng Saligang Batas ang proteksiyon sa karapatan ng mga mamamayan.

Ngunit limitado ang karapatang ito. Isa pa, sa panahon ngayon ng social media kung kailan ipinaaalam ng mga tao sa publiko ang kanilang ginagawa, gaya ng kung saan sila kumakain, saan sila mag babakasyon o maging ang estado ng kanilang relasyon, medyo mahina ang argumento sa privacy.

Halimbawa, sinusubaybayan ng Google ang inyong kinaroroonan, tinitipon ang inyong komunikasyon sa email at sinusuri ang ginagawa ninyo sa Internet. Ganito rin ang ginagawa ng Facebook, at payag naman ang mga tao.

Sa kabila nito, naniniwala ako na dapat ipilit ng bawat isa ang kanilang karapatan sa privacy. Dahil dito, kailangan na ibigay ang responsibilidad sa pagkalap at pag-iingat sa impormasyon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Kailangang maglaan ng pondo para sa data security at limitahan ang kakayahan ng PSA sa pagkolekta ng datos.

Karamihan sa mga datos na kokolektahin ay yaon ding ibinibigay natin sa pamahalaan kapag kumukuha tayo ng tax identification number (TIN), pasaporte, lisensiya sa pagmamaneho, SSS o GSIS.

Ang pagkakaiba ay sa ilalim ng pinagtibay na panukala, isa lamang ang gagamitin nating ID at isang numero habang buhay sa halip na tatlo o lima na ginagamit natin ngayon. Higit dito, makikinabang ang publiko sa mas mabuting serbisyo ng pamahalaan, dahil nga isang ID number lamang ang gagamitin sa anumang transaksiyon sa pamahalaan.

Makatutulong din ang national ID system sa paglaban natin sa terorismo. Sa kasalukuyan, ang mga terorista ay nakapagtatago sa social media.

Makatutulong din ang national ID system sa paglaban sa lumalaganap na identity theft, na kaugnay din ng terorismo. May epekto rin sa ekonomiya at negosyo ang identity theft.

Kung titimbangin ang pabor at laban sa panukala, naniniwala ako na panahon na upang magkaroon tayo ng national ID system. Isa tayo sa iilang bansa na hindi pa gumagawa nito. May kasamang proteksiyon ang panukala, at tinatawagan ko ang mga ahensiya na tiyakin na magiging mahigpit ang Implementing Rules and Regulations (IRR) upang protektahan ang impormasyon laban sa data breach at pag-abuso ng estado.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)