Ni Rey G. Panaligan
BAGUIO CITY – Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang apela ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagsusumite ng mga dokumento kaugnay ng anti-illegal drugs operations nito, partikular ang tungkol sa mga napatay simula noong Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 30, 2017.
Sa inilabas na resolusyon matapos ang pangkalahatang sesyon sa korte, sinabi ng SC na: “The Court DENIED the Solicitor General’s Motion for Reconsideration of the Court’s Order dated 5 December 2017 and DIRECTED respondents to comply with the said Order by submitting the required reports within a period of fifteen (15) days from notice.”
Ang mga petisyon laban sa anti-illegal drugs operations ay isinampa nina Aileen Amora at Sr. Ma. Juanita R. Dano bilang kinatawan ng ilang indibiduwal.
Noong nakaraang taon ay nagsagawa ang SC ng oral arguments sa Maynila tungkol sa dalawang petisyon na humahamon sa legalidad ng pamahalaan sa all-out drive kontra ilegal na droga na ipinatutupad ng PNP.
Matapos ang oral arguments, inatasan ng SC si Solicitor General Jose C. Calida, na kumatawan sa respondents sa dalawang petisyon, na magsumite ng mga pangalan, address, at kasarian ng mga napatay sa drug war; lugar, petsa at oras ng mga operasyon; pangalan ng mga tauhan ng PNP na nagsagawa ng operasyon at pre-operation plans; post operation reports; search o warrants of arrest; at pangalan ng media, non-government organizations, at kinatawan ng barangay sa kasagsagan ng mga operasyon.