Ni Mary Ann Santiago
Pormal nang isasapubliko ng Simbahang Katoliko sa mga Pinoy ang relikya ni Saint John Paul II, na apat na buwan nang nasa kustodiya ng Manila Cathedral sa Intramuros, Manila.
Nabatid na sa Sabado, Abril 7, sa ganap na 9:00 ng umaga ay pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang liturgical service para sa vial ng dugo ni Saint John Paul II sa Manila Cathedral, sa kauna-unahang public veneration nito.
Inaanyayahan naman ng cathedral ang mga Pinoy na makiisa sa pagsalubong sa relikya ng Santo Papa na itinuturing na pinakamamahal ng mundo, partikular ng mga Pilipino.
“Let us come together as we welcome home the presence of our beloved Pope John Paul II and receive the graces and miracles through his powerful intercession,” saad sa pahayag ng cathedral nitong Lunes, ang ika-13 anibersaryo ng kamatayan ng dating Santo Papa.
Si Cardinal Stanislaw Dziwisz, dating kalihim ng Santo Papa, ang nagbigay ng relikya sa cathedral bilang regalo para sa ika-60 anibersaryo ng post-war construction nito, at dinala sa Pilipinas noong Disyembre 11, 2017 ng isang Pilipinang madre na nakabase sa Poland.
Nagsilbing Santo Papa simula 1978 hanggang pumanaw noong 2005, nagmisa sa Manila Cathedral si Saint John Paul II noong Pebrero 1981, at bumalik sa bansa noong 1995 para sa World Youth Day.