Ni Fer Taboy
Inihayag kahapon ng pulisya na dinakip nito ang kabaro na tauhan ng Police Regional Office (PRO)-6 sa buy-bust operation sa Barangay Calaparan sa Arevalo, Iloilo City.
Sa report na tinanggap ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) mula kay Senior Insp. Kenneth Bermejo, hepe ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), nakilala ang suspek si PO2 Stephen Magno, na nakatalaga sa PRO-6.
Sinabi ni Bermejo na umaabot sa 35 sachet ng shabu ang nakumpiska umano mula kay Magno, kabilang ang dalawang sachet na sinasabing nabili ng mga kanyang mga tauhan mula sa suspek.
Ayon kay Bermejo, mismong si Magno ang nag-abot ng ilegal na droga sa kanilang asset sa isinagawang buy-bust.
Sinabi naman ni Senior Insp. Mary Grace Borio, hepe ng Arevalo Police, na matagal na umanong sangkot si Magno sa bentahan ng droga.
Ayon pa kay Senior Insp. Borio, marami na silang nahuling tulak ng droga at si Magno ang itinuturo ng mga ito na source ng kanilang produkto.
Bukod sa sasampahan ng kasong administratibo para tuluyang masibak sa tungkulin, kakasuhan din ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) at illegal possession of firearms ang pulis.