Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
8:00 n.u. -- NU vs UP (Men)
10:00 n.u. -- DLSU vs AdU (Men)
2:00 n.h. -- UST vs Ateneo (Women)
4:00 n.h. -- NU vs UP (Women)
MATAPOS ang pagmumuni-muni sa Semana Santa, target ng University of Santo Tomas na masundan ang matikas na winning run sa pagsabak sa Ateneo de Manila University sa pagbabalik ng aksiyon sa UAAP Season 80 volleyball tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Target ng Tigresses na mapanatiling buhay ang kampanya sa Final Four, habang puntirya ng Lady Eagles ang ikalimang sunod na panalo sa second round upang manatili sa No.2.
Taglay ang markang 8-3, panalo-talo kasunod ng namumuno at nauna ng semifinalist De La Salle University (9-2), hindi pa nakakatikim ng pagkatalo ngayong second round ang Lady Eagles na huling namayani kontra Adamson University sa isang dikdikang 5-setter bago ang Holy Week break.
Hawak naman ang markang 4-7, sisikapin ng Tigresses na maipanalo ang nalalabing huling tatlong laro kabilang laban ngayong hapon sa Ateneo upang makahirit ng playoff para sa isang Final Four slot.
Asam naman ng NU Lady Bulldogs na matuldukan ang five-game losing skid sa pakikipagtuos sa University of the Philippines Lady Maroons sa 2:00 ng hapon.
Bumagsak sa No.4 ang dating nangungunang Lady Bulldogs tangan ang 6-5 karta.
Hawak ang markang 3-8, tatangkain ng Lady Maroons na mawalis ang nalalabing tatlong laro sa second round at umasang hindi lumagpas sa anim na panalo ang mga sinusundang teams NU (6-5), Adamson (5-6) at UST (4-7) upang makahirit ng playpff para sa huling Final Four berth.
Mauuna rito, magtatangka namang makopo ng NU ang solong pamumuno sa men’s division sa pakikipagtuos sa UP sa unang laro ganap na 8:00 ng umaga bago ang sagupaan ng La Salle at ng Adamson ganap na 10:00 ng umaga.