Ni MARTIN A. SADONGDONG
Dismayado si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang mga tauhan kasunod ng planong pagbasura ng Department of Justice (DoJ) sa kasong kriminal na isinampa ng PNP laban sa pinagsususpetsahang dayuhang terorista.
Bakas sa mukha ni Dela Rosa ang inis nang mabatid na natuklasan ng DoJ na may pagkukulang sa motion for reconsideration (MR) na inihain ng mga pulis, na sanhi ng pagkaka-dismiss sa mga kaso laban sa hinihinalang ISIS recruiter na si Fehmi Lassqued.
Sa pagdinig nitong Lunes, ipinakita ni DoJ Senior State Prosecutor Peter Ong ang kopya ng closed circuit television (CCTV) footages na sumusuporta sa pahayag ni Lassqued na nadakip ang huli sa Makati City at hindi sa Ermita, Maynila na sinasabi naman sa reklamo ng NCRPO.
“Sana na-correct namin ‘yan. Well, we cannot fault the prosecution dahil may basehan sila sa resolution. Humahanga ako sa abugado ng terorista na ‘yan at nakuha niyang angulo ‘yung boundary ng Manila at Makati, nagamit sa kaso,” ani Dela Rosa.
Si Ong ay hindi abogado ni Lassqued. Ang suspek ay dinidepensahan ni Atty. Jonalyn Barquez, isang resident lawyer ng Public Attorney’s Office (PAO).
Unang ibinasura ng DoJ ang mga kasong illegal possession of firearms and ammunition at illegal possession of explosives na isinampa ng National Capital Region Police Office’s Regional Police Intelligence Operatives Unit (NCRPO-RPIOU) laban kay Lassqued at nobyang si Anabel Moncera Salipada, dahil sa “lack of merit.”
Sa press briefing nitong Pebrero 20, sinabi ni Dela Rosa na sina Lassqued at Salipada ay naaresto ng mga tauhan ng NCRPO-RPIOU at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang apartment unit sa Ermita, Maynila noong Pebrero 16.
Ayon sa PNP, inamin ni Lassqued na dati siyang ISIS commander sa Syrian-Turkish border at dumating siya sa Pilipinas upang mag-recruit ng mga lokal na terorista. Subalit mariin itong itinanggi ni Lassqued ang mga alegasyon nang iharap siya sa DoJ.
“Kung pwede pa mahabol, habulin natin. Kung ma-deport okay na sa akin para makaalis na ng bansa but I will talk to [NCRPO Director] General [Oscar] Albayalde,” dugtong nito.
Aminado si Dela Rosa na dapat silang mag-ingat upang hindi masayang ang kanilang mga pinaghirapan.
Kung maninindigan ang DOJ sa desisyon nito na i-dismiss ang mga kaso laban kay Lassqued, ito ang ikalawang pagkakataon na nabigo ang PNP sa pagpupursige sa mga kaso laban sa high-profile suspected criminals.
Nitong Marso, ibinasura rin ng DoJ ang kasong droga laban sa high-profile suspects na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim, at 20 iba pa.