Ni NORA CALDERON
HINDI nagbakasyon si Glaiza de Castro sa ibang bansa nitong nakaraang Holy Week, minabuti niyang magpahinga na lamang sa isang beach sa Batangas kasama ang kanyang BFF na si Angelica Panganiban at buddy nilang si Ketchup Eusebio.

Nakita sa Instagram posts nila na kahit simple ay naging meaningful ang bakasyon nilang tatlo. Binigyan nila ng chance ang sarili nila na makapagpahinga sa taping ng kani-kanilang show.
“Medyo mabigat po kasi ang character na ginagampanan ko sa Contessa,” sabi ni Glaiza. “Kung dati sa Encantadia ay may pagkakontabida-bida ang role ko bilang si Pirena, dito naman bilang si Bea/Contessa, ipakikita ko naman kung paano ako lalaban sa mga mabibigat kong kaaway, mula sa kalagayan sa buhay at sa mga prinsipyo na ipinaglalaban ko.
“Hindi po siya susuko kahit mahirapan siya mula sa sakit na tinatanggap niya, physically, mentally at spiritually.
Gusto ko po kasing sa pamamagitan ng character ko, mabigyan ko ng inspirasyon at pag-asa ang mga tao, lalo na ang mga babaeng dumaranas kung ano ang pinagdadaanan ng character ni Bea.
“Kaya nagpapasalamat po kami sa mga sumusubaybay sa amin at sa mga comments nila sa social media. Malapit na po ninyong mapanood kung paano lalaban si Bea at maging si Contessa. Salamat po.”
No wonder na pagkatapos ng Ika-6 Na Utos na pinalitan nila, patuloy na tinututukan ng televiewers ang Contessa sa afternoon prime drama series ng GMA 7 after ng Eat Bulaga.