Nina GENALYN D. KABILING at MARIO B. CASAYURAN
Hindi dapat na mag-panic ang publiko tungkol sa sitwasyon ng bigas sa bansa dahil ang kabuuang supply nito ay nananatiling “more than sufficient”, sinabi kahapon ng Malacañang.
Tiniyak ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na walang kakapusan ng bigas sa bansa, kahit pa kumpirmadong naghihingalo na ang supply ng abot-kayang bigas ng National Food Authority (NFA).
“We all know na mababa na talaga ang stocks ng NFA, but the overall rice supply is more than sufficient with plenty to spare. No need to panic,” saad sa text message ni Guevarra sa mga mamamahayag.
“There’s no rice shortage. Our overall supply is more than enough,” dagdag pa ng opisyal.
Wala ring nakikitang dahilan si Guevarra upang agahan ang pag-aangkat ng bigas ng bansa dahil sapat naman ang supply nito.
“Wala naman pong shortage kaya same sked lang po ng importation,” ani Guevarra.
DAGDAG SUPPLY, SA MAYO PA
Ito ang inihayag ni Gueverra kasunod ng mga ulat na wala nang reserba ang NFA rice. Napaulat na wala na ring mabiling NFA rice sa ilang palengke sa Luzon.
Kasabay nito, pinahintulutan na ng National Food Authority (NFA) Council ang pag-aangkat ng 250,000 metriko tonelada ng bigas upang madagdagan ang imbak ng murang bigas ng ahensiya. Inaasahang maide-deliver ang nasabing rice imports sa susunod na buwan.
RESIGN NOW!
Dahil dito, muli namang iginiit ni Senator Paolo Benigno Aquino IV ang kanyang panawagang magbitiw na lang sa tungkulin ang mga opisyal ng NFA.
“Lalong tataas ang presyo ng bigas ngayong ubos na ang stock ng NFA rice. Napipilitan nang magbawas ng kanin ang mga karaniwang Pilipino, at posibleng isang beses kada araw na lang ang paghain nila ng kanin para sa pamilya,” sabi ni Aquino.
Aniya, mapipilitang hindi kumain o magbawas ng konsumo ng bigas ang mahihirap na pamilyang hindi kayang makabili ng commercial rice dahil sa kapabayaan ng mga opisyal ng NFA.
Sinabi ni Aquino na dapat na nang magtalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng kapalit ni NFA Administrator Jason Aquino.
“Ang P35 per kilo ng bigas noon, P45 na ngayon. Limandaang piso ang dagdag nito sa gastusin ng pamilyang Pilipino kada buwan kung isang kilong bigas ang kanilang nakokonsumo bawat araw. Nangyari ito dahil sa kapabayaan ng NFA sa kanilang tungkulin,” giit ni Aquino.
Pinabulaanan naman ni Assistant Secretary Jonas Soriano, ng Office of the Cabinet Secretary, na ang kakaunting supply ng NFA rice ay magbubunsod ng pagtaas sa presyo ng commercial rice.
WALANG TAAS-PRESYO
“NFA rice only makes up 4 percent of the distribution of all the rice in the Philippines. So, hindi dapat maapektuhan ang supply ng rice.
Hindi rin dapat maapektuhan ang presyo ng bigas,” sinabi ni Soriano sa isang panayam sa telepono. “The rice price will not rise unless you control nationwide 10 to 15 percent of the rice distribution of that particular rice. So, kapag tumataas ang presyo, at bine-blame ang kawalan ng NFA rice. Ay, kalokohan ‘yun.”
Sinabi rin ni Soriano na sasailalim ang NFA sa special audit ng Commission on Audit (CoA) upang maisaayos ang pagbili at pagbebenta nito ng bigas.