Ni Jun Fabon

Hindi naging hadlang ang paggunita sa katatapos na Semana Santa upang maipagpatuloy ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang kampanya kontra ilegal na droga, na ikinaaresto ng 595 drug personalities habang ikinasawi ng isa umanong tulak sa Metro Manila.

Sa ulat ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde, kabilang sa naaresto ang 105 hinihinalang drug pusher at 490 user, na pawang nakakulong ngayon sa mga himpilan ng pulisya sa Metro Manila at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).

Idineklara ni Albayalde ang full alert status sa mga pulis sa Kalakhang Maynila nitong Mahal na Araw, kaya mas pinaigting ang pagsubaybay at pagmanman sa mga hinihinalang drug personality.

National

Sen. Imee sa sinabi ni Tiangco: 'Panahon na para ibasura ang impeachment ni VP Sara'

Sa datos ng NCRPO, nasa 74 na porsiyento ang ibinaba ng insidente ng Akyat-Bahay na dating 27 noong 2017 ay naging 7 na lamang ngayon.

Samantala, pinuri ni Albayalde ang lahat ng mga tauhan ng NCRPO sa matagumpay na pagganap sa kanilang tungkulin sa katatapos na Kuwaresma.

Aniya, naging alerto ang mga ito sa operasyon, nagtulungan sa trabaho at naging mapanuri naman ang publiko.

Tiniyak din ni Albayalde na patuloy ang kanilang pagsisikap upang protektahan ang publiko laban sa anumang krimen.