Ni Lesley Caminade Vestil
CEBU CITY – Siyam na menor de edad ang nailigtas mula sa gang group na tinatawag na “Fam” sa Veterans Drive sa Barangay Apas, Lahug sa Cebu City nitong Biyernes at Sabado.
Inimbitahan ni Ramil Ayuma, chairman ng Bgy. Apas, ang umano’y lider ng Tyson Fam upang kumalap ng ilang impormasyon tungkol sa gang.
Ikinumpisal ng umano’y 18-anyos na gang leader na ang pinakabata nilang miyembro ay walong taong gulang habang 15-anyos naman ang pinakamatanda.
Ayon kay Ayuman, magsasagawa sana ng initiation rites ang grupo gamit ang dalawang paddle na nakumpiska sa rescue operation.
Inamin din umano ng lider kay Ayuman na obligado ang mga dalagitang miyembro na makipagtalik sa iba pang kasapi ng gang bilang bahagi ng initiation rites.
Sinabi pa umano ng gang leader sa kapitan na ang kanilang grupo ay bahagi ng iba pang fam gang na nakabase sa Mandaue City at Lapulapu City.
Sa operasyon, kinumpirma rin ng mga tanod ang umaalingasaw na amoy ng marijuana sa tatlong kubo ng grupo, at isang miyembro ang umamin umanong humithit ng marijuana.