Ni Orly L. Barcala

Pitong miyembro ng “Budul-Budol” gang, kabilang ang tatlong babae, ang inaresto ng mga pulis nang mamataan ang kanilang sasakyan matapos biktimahin ang isang senior citizen sa Valenzuela City, nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ni Senior Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng Valenzuela City Police, ang mga suspek na sina Rosalie Ramirez, 43, ng No. 280 Kalinisan Street, Barangay Pinagbuhatan, Pasig City; Andy Dela Cuesta, 34, ng Phase 2, Block 50, Lot 7, Park Lane Subdivision, Bgy. Santiago, General Trias Cavite; Felix Serrano, 43, ng Block 13, Lot 16, Bgy. San Dionisio, Area 1, Das Mariñas, Cavite; Rizalyn Hernandez, 42, ng No. 162 Bgy. Tambo, Parañaque City; Gina Dela Cruz, 60; at Ireneo Lapuz, 52, ng Balimbing Driver, Imus Cavite.

Sa ulat ni Senior Insp. Jose T. Hizon, hepe ng Station and Investigation Unit (SIU), bago ang pagdakip, bumaba sa Toyota Revo (WTP-185) si Dela Cruz at nilapitan ang biktima na si Carmen Balucatin sa kahabaan ng G. Lazaro St., Bgy. Dalandanan, Valenzuela City, bandang 2:30 ng hapon at nakisuyo ang una na i-text sa kanya ang daan patungong Honda Service Center sa Balintawak, Quezon City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bumaba din sa sasakyan ang anim pang kasamahan ni Gina at matagumpay na nakumbinsi ang biktima na sumakay sa kanilang sasakyan.

Sa loob ng sasakyan, sinabihan ang ginang na bayaran ang passbook ng mga suspek, sa halagang P5,000, at inutusang ibigay ang kanyang mga alahas.

Sapilitang kinuha umano ng mga suspek ang P3,000 cash ng biktima at pinagbantaang papatayin kapag tumanggi.

Makalipas ang ilang sandal ay naispatan ng mga tauhan ng Anti- Carnapping Unit, sa pangunguna ni SPO1 Hoover Ireneo, ang sasakyan ng mga suspek na markado ng kanilang opisina.

Ayon kay SPO1 Ireneo, nahagip sa closed-circuit television (CCTV) camera ang sasakyan ng mga suspek na kanilang ginamit sa pambubudol umano sa Valenzuela City nitong Marso.

Lingid sa mga suspek, sinundan sila ng mga pulis at sila ay nakorner.

Sinampahan ang mga suspek ng kasong robbery with threat, apat na bilang ng estafa at syndicated estafa.