Ni Mary Ann Santiago

Dinakma ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) ang limang drug suspect sa magkakasunod na operasyon sa Mandaluyong at Marikina City, iniulat kahapon.

Kinilala ni EPD director, Chief Supt. Reynaldo Biay ang mga suspek na sina Jeffrey Agsaulio, Rizaldy Bamba at Jenny Bañez, na pawang ng Mandaluyong City; at sina Eric Dela Rosa at Michael Lim, kapwa ng Marikina City.

Eleksyon

Makabayan senatorial bet Lidasan, ‘di nakaboto; wala pangalan niya sa listahan

Sila ay bagong tukoy lang sa drugs watch list ng pulisya bilang mga tulak at gumagamit ng ilegal na droga.

Sa ulat ng Mandaluyong City Police, inaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct 2 (PCP 2) si Agsaulio sa Sitio 4, Barangay San Jose ng nasabing lungsod, dakong 12:20 ng madaling araw.

Nagpapatrulya umano ang mga pulis nang matiyempuhan ang suspek na sinasabing bumabatak ng marijuana at nakumpiska sa kanya ang limang pakete na naglalaman ng umano’y marijuana at isang improvised glass pipe na sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

Nadakip naman ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marikina City Police sina Dela Rosa at Lim sa buy-bust operation sa 25 C. Cruz Street, Bgy. Sta. Elena, bandang 6:00 ng gabi.

Unang nakatanggap ng ulat ang awtoridad kaugnay ng ilegal na aktibidad sa droga ng mga suspek, dahilan upang magkasa ng operasyon laban sa mga ito.

Narekober sa dalawang suspek ang apat na pakete ng hinihinalang shabu, isang cell phone; isang Honda Zoomer (NC-78773); drug paraphernalia at P1,500 buy bust money.

Samantala, inaresto ng mga tauhan ng Mandaluyong City Police-SDEU sina Bamba at Bañez sa 559 Saturday St., sa Bgy. Poblacion, matapos bentahan ng P500 halaga ng umano’y shabu ang isang pulis na poseur-buyer, bandang 5:30 ng hapon.

Narekober sa mga suspek ang limang pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).