NEW YORKD (AP) – Sinimulan na nitong Martes ang paglilitis sa isang ex-U.S. Army sniper at dalawa pang dating sundalong Amerikano na umano’y pumayag na maging contract killers para sa isang international crime boss na nais ipapatay ang isang real estate agent sa Pilipinas na inakala niyang dinaya siya sa bentahan ng lupa.
Itinanggi nina Joseph Hunter, dating sergeant na mayroong Special Forces background, Adam Samia at Carl David Stillwell na plinano nila ang 2012 execution-style hit — sa kasong nagbigay ng pasilip sa secret fraternity ng private mercenaries na handang pumatay para sa salapi.
Sinabi ng prosecutors na ang 52-anyos na si Hunter ay nagtatrabahong security chief ng weapons and drug trafficker na si Paul Le Roux nang alukin niya sina Samia at Stillwell mula sa Roxboro, North Carolina na magtungo sa Pilipinas para sa tinawag niyang “ninja work.” Binigyan sila ni Hunter ng mga armas at silencers at sinabihan na magbabayad si Le Roux ng $35,000 para sa bawat natapos na trabaho, sinabi ni Assistant U.S. Attorney Patrick Egan sa federal court sa Manhattan.
Ang broker na si Catherine Lee ang nasa “kill list” ng self-styled assassins na may military backgrounds, ayon kay Egan.
Nagsagawa sina Samia, 43, at Stillwell, 50, ng surveillance kay Lee bago nila siya tawagan at nagkunyaring mga kliyente, ayon sa prosecutor. Habang pabalik sa Manila mula sa probinsiya, binaril ni Samia gamit ang .22-caliber na baril si Lee nang dalawang beses sa mukha habang nakaupo ito sa back seat ng isang van, aniya.
Natagpuan ang bangkay ni Lee sa basurahan sa tabing kalsada, ayon kay Egan. Matapos mabayaran, pinabalik ang mga killer sa United States, kung saan sila ay inaresto noong 2015