Nina Tara Yap at Beth Camia

ILOILO CITY – Bagamat wala pa ring katiyakan kung maipatutupad na ang pagpapasara sa Boracay Island sa Malay, Aklan, mayroon nang contingency plans ang Department of Labor and Employment (DoLE)-Region 6 para sa mga manggagawang maaapektuhan sa pagpapasara sa pangunahing tourist destination sa bansa.

Sinabi ni DoLE-Region 6 Director Atty. Johnson Cañete na emergency employment ang pinakaposibleng opsiyon ng kagawaran.

Maaaring makibahagi sa rehabilitasyon ng Boracay ang mga rehistradong manggagawa sa isla, na mawawalan ng pagkakakitaan sa pagsasara ng mga pinaglilingkuran nilang hotel, resort o restaurant.

Eleksyon

Mayoral bet, pumalag sa isyu ng driver niyang dinakip dahil sa 'food packs'

Ayon kay Cañete, popondohan ng DoLE ang emergency employment scheme, kung saan kikita ng minimum ang mga manggagawa.

Batay sa datos ng lokal na pamahalaan ng Malay, aabot sa 17,735 empleyado na nakarehistro sa isla.

Bukod dito, magdaraos din ang DoLE-6 ng dalawang job fair sa isla sa susunod na dalawang buwan, katuwang ang pamahalaang panglalawigan ng Aklan at lokal na pamahalaan ng Malay.

Inaasahan namang tatalakayin ngayong Miyerkules sa pulong ng Gabinete ang rekomendasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG), at Department of Tourism (DoT) na isara nang anim na buwan ang Boracay para sa rehabilitasyon nito.

“Yes, submitted na (ang rekomendasyon). May Cabinet meeting bukas. Baka ma-take up doon ang final action on Boracay,” sinabi kahapon ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra.

Aniya, posibleng mabuo na sa pulong ang pinal na aksiyon sa Boracay, at magdedesisyon si Pangulong Duterte kung aaprubahan ang panukalang anim na buwang closure sa isla, na magsisimula sa Abril 26.