Nina Fer Taboy at Nonoy Lacson

Patay ang isang babae at nasa 40 pamilya ang nawalan ng tirahan sa magkahiwalay na sunog sa Iligan City, iniulat kahapon ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon sa report ng BFP, unang tinupok ang 10 bahay sa Purok 17 sa Barangay Palao, Iligan City, nitong Sabado de Gloria, Marso 31.

Kinilala ang nasawi na si Eliza Gajoc, na kasalukuyang nakaburol sa mismong pinangyarihan ng sunog.

Probinsya

Kapilya ng INC sa Quezon, pinasabugan ng bomba; suspek, gumagamit umano ng iligal na droga

Umabot naman sa 25 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog, na nagsimula sa bahay ni Jamerol Simban, na mabilis kumalat dahil gawa lamang sa light material at magkakadikit pa ang kabahayan.

Napaulat na sa 18 bahay na natupok ay 14 ang tuluyang naabo sa Bgy. Palao.

Umabot naman sa 15 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog sa barangay sa Purok 6-A Tambacan sa Iligan City, nitong Linggo.

Ayon sa ulat, umabot sa ikatlong alarma ang sunog, at nasa P100,000 ang halaga ng naitalang danyos.

Samantala, patuloy pang nag-iimbestiga ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Region 11 sa sunog sa Bgy. Pag-asa Bankerohan sa Davao City, na 30 istruktura ang naapektuhan.

Kabilang sa mga nasunog ang 20 puwesto sa palengke, 10 bahay at isang boarding house.

Inamin ng isang Abdul Majid Aladil na sa kanyang bahay nagsimula ang apoy, bagamat hindi batid ang pinagmulan nito dahil wala umanong tao sa kanyang bahay nang mangyari ang insidente.

Sinasabing mahigit P500,000 ang ari-ariang natupok sa sunog, at walang naitalang nasawi.

Aabot naman sa P7 milyon ang naabo sa apat na oras na sunog sa Rejeka Enterprises and Grocery Store sa Ipil sa Zamboanga Sibugay, dakong 7:55 ng gabi nitong Lunes, ayon kay Police Regional Office (PRO)-9 Director Chief Supt. Billy Beltran.