NAKOPO ni John Jerish Velarde ang bronze medal sa Asian Youth Chess Championships Rapid event nitong Linggo sa Lotus Pang Suan Kaew Hotel sa Chiang Mai, Thailand.

VELARDE: Chess protégée.

VELARDE: Chess protégée.

Nakaipon ang Lapu-Lapu City, Cebu bet ng anim na puntos sa pitong laro sa Open 12 years old and below.

Nakamit ni CM Gukesh D ng India ang gold medal na may perfect na pitong puntos habang naiuwi naman ni CM Nguyen Quoc Hy ng Vietnam ang silver medal na may higher tie break points kay Velarde.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Naitala naman ni Mark Jay Bacojo ng Dasmariñas, Cavite ang 5 points para sa ikaanim na puesto sa Open 12 years old and below category.

Tinalo ni Velarde si Sulaimanov Tilekmatali ng Kyrgyzstan sa first round subalit yumuko kay Daneshvar Bardiya ng Iran sa second round. Nakabalik sa kontensiyon si Velarde matapos manaig kina Hewage Dinupa Adithya ng Sri Lanka sa third round, Yu Zili ng China sa fourth round, Wu David Tai-Wei ng Chinese-Taipei sa fifth round, CM Arfan Aditya Bagus ng Indonesia sa sixth round at Lee Care Greene ng Malaysia sa seventh at final round.

Tumapos si Daniel Quizon ng Dasmariñas, Cavite na may limang puntos para sa ikaapat na puwesto sa Open 18 and Under habang nakalikom si Fide Master John Marvin Miciano ng Davao City ng 4.5 pts para sa 8th place.

Naitala naman ni Gal Brien Palasique ng Taytay, Rizal ang 4 pts tungo sa 14th place habang si Michael Concio Jr. ng Dasmariñas, Cavite ay mayrun 3 pts tungo sa 22nd place sa Boys 16 and Under.

Naitarak naman ni Jerome Angelo Aragones ng Las Pinas City ang 5.5 pts sa Open 14 and Under category tungo sa 6th place overall at nakaipon naman si Al-Basher “Basty” Buto ng Cainta, Rizal ng 5 pts tungo sa 11th place sa Open 8 and Under.

Sa distaff side, naitala ni Daren dela Cruz ng Dasmariñas, Cavite ang 2 pts. sa 38th place sa Girls 10 and under category habang nagkasya si Antonella Berthe Racasa ng Marikina City sa paglikom ng 3 pts. tungo sa 30th place sa Girls 12 and Under.

Naikamada naman ni Jerlyn Mae San Diego ng Dasmariñas, Cavite ang 5 pts tungo sa 7th place sa Girls 14 and Under, habang si Mhage Gerriahlou Sebastian ng Kalinga-Apayao ay mayrun 3.5 pts tungo sa 16th place sa Girls 16 and under at nakaipon naman si WCM Kylen Joy Mordido ng Dasmariñas, Cavite ng 4.5 pts tungo sa 9th place sa Girls 18 and Under.

Lubos naman ang pasasalamat ni Delegation head International Master Roel Abelgas sa pagsuporta sa kanilang Thailand chess campaign nina Dasmariñas City, Cavite Mayor Elpidio “Pidi” Barzaga at Congresswoman Jenny Barzaga, National Chess Federation of the Philippines at Philippine Sports Commission Chairman William “Butch” Ramirez.

Ang Head coach ay si International Master Yves Rañola kung saan ang standard play ay naka schedule ngayong Lunes.