Ni Bert de Guzman
SI Jesus ay isinilang noong Disyembre na ang hatid ay pagkakasundo at kapayapaan sa mundo. Si Kristo ay naghirap at namatay (hindi nasawi) nitong Biyernes Santo para naman tubusin ang sala ng makasalanang sangkatauhan.
Ang adhikaing pagkakasundo at kapayapaan ng Panginoon ay parang binabalewala ng ilang bansa sa daigdig. Magulo pa rin mismo sa lugar na kanyang sinilangan. Patuloy ang bakbakan ng mga Israeli (Hudyo) at Palestinian. Patuloy ang pagdanak ng dugo.
Sa Gitnang Silangan, hindi naglulubay ang suicide bombings. Hindi naglulubay ang air strikes sa Syria, Iraq at sa mga kalapit na lugar. May 1.3 bilyong Kristiyanong Katoliko sa mundo na pinamumunuan ni Pope Francis, subalit mismong sa Israel na sinilangang bansa ni Jesus ay hindi siya kinikilala. Hanggang ngayon ay naghihintay ang mga Israeli sa pangakong Manunubos.
Alam ba ninyong 75 porsiyento ng mga Pinoy ang nagtuturing na mahalaga ang relihiyon sa buhay ng tao? Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), tatlo sa apat na Pilipino ang nagsasabing ang relihiyon ay “napakahalaga” sa kanilang buhay.
Sa katanungan na “How important would you say religion is in your life”, may 75% ang tumugon na mahalaga; tatlong porsiyento ang nagsabing hindi lubhang mahalaga; at 15 porsiyento ang sumagot na hindi talagang mahalaga.
Ang SWS survey ay ginawa noong Disyembre 8-16, 2017 sa panayam sa may 1,200 adults, 18 taon pataas. Sa nagsabing lubhang mahalaga ang relihiyon, pinakamataas sa mga Muslim (94%), sinundan ng mga Katoliko (75%); “other Christians” (70%), at mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (70%). Ang “other Christians” ay iyong hindi mga kasapi ng Simbahang Katoliko at ng INC.
Minsan ay inilarawan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang kanyang anak na panganay na si ex-Vice Mayor Paolo Duterte bilang isang “gangster” o maton. Ngayon, hangarin ni Pulong (Paolo) na balang araw ay ipagkakapuri siya ng amang presidente.
Badya ni Pulong sa Bisaya: “Unta maabot pa ang panahon na ikapanghambo ko nimo” o “Umaasa ako na darating ang panahon na ipagkakapuri mo ako”. Sinabi ito ni Paolo kaugnay ng ika-73 kaarawan ni Mano Digong. Di ba si PRRD ay “sakit din ng ulo” ng noon ay amang Davao Gov. Vicente Duterte?
Samantala, nagpahayag si Vice Pres. Leni Robredo ng mabuting kalusugan at matagumpay na pamamahala sa gobyerno. Sa panayam sa Cebu City, ganito ang sinabi ni beautiful Leni: “Of course, our birthday wish for him always is good health and the success of his administration because no one will benefit from these but us Filipinos.”
Tama ang ginagawa mo VP Leni. Malusog na katawan at matagumpay na pangangasiwa sa pamahalaan. Pag ganyan ka nang ganyan, tiyak hindi ka mai-impeach. Hayaan mo na lang na sulyapan ni PRRD ang iyong maputing binti. Anong malay mo baka ikaw ang susunod na Malacañang occupant!