Nina Jun Fabon at Genalyn Kabiling
Sinugod kahapon ng grupong Akbayan Youth ang Office of the Ombudsman upang ihain ang mga reklamong administratibo laban kay Presidential Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson dahil sa pagkakalat umano ng “fake news”.
Pinangunahan ni Justine Balane, communications officer ng nasabing grupo, ang pagsasampa ng 12-pahinang reklamong gross misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of public service laban sa opisyal.
Sa reklamo, pinalaganap umano ni Uson sa kanyang Facebook page na “Mocha Uson Blog” ang maling impormasyon habang nakapuwesto sa pamahalaan.
Kinuwestiyon din ni Bas Claudio, secretary general ng Akbayan Youth ng University of the Philippines- Diliman, si Uson dahil sayang lang umano ang ipinasasahod ng pamahalaan sa kanya, na mula sa buwis ng taumbayan.
Tiwala naman ang Malacañang na maipagtatanggol ni Uson ang sarili sa naturang mga reklamo.
Kahit hindi pa nababasa ang blog ni Uson, naniniwala naman ni Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na hindi nagpapakalat ng fake news si Uson.
“I’m sure Asec Mocha will be able to defend herself, mayroon namang mga processes to follow and to observe. She will be given her fair chance to be able to explain,” giit ni Guevarra sa press conference sa Palasyo kahapon.
Sa kabila nito, hindi pa rin natitinag si Uson, at sa isang Facebook ay sarkastiko pa siyang nagpasalamat sa Akbayan Youth sa pagbibigay sa kanya ng ideya ng ipapangalan sakaling magbukas siya ng coffee shop.
Aniya, papangalanan niya itong “Fire Mocha Café”.
“Abangan ninyo ‘yan. Salamat, kape tayo,” sinabi ni Uson sa video.
May limang milyong followers sa Facebook, ilang beses nang itinanggi ni Uson na nagpapakalat siya ng fake news.