Nina GENALYN D. KABILING at MARY ANN SANTIAGO
Tiniyak kahapon ng Malacañang na kukonsultahin nito ang mga residente ng Marawi City sa gagawing rehabilitasyon sa siyudad sa Lanao del Sur.
Paliwanag ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, isinaalang-alang din ng gobyerno ang kultura at kasaysayan ng ng mga residente sa pagbangon ng Marawi.
“I’m sure that residents themselves will be given an opportunity to make their own proposals on how to rehabilitate their own city,” sinabi ni Guevarra nang humarap sa pulong-balitaan.
Ipinagdarasal naman ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña na makakamit na ng lungsod ang tunay na kapayapaan, kasabay ng katatapos na pagdiriwang ng Pagkabuhay ni Hesukristo o Easter Sunday.
Idinahilan ni Dela Peña na gaya ng pangarap ng bawat Maranao, inaasam din nila ang muling pagbangon ng Marawi, partikular na ang mga nakatira sa tinatawag na ‘ground zero’ na pangunahing nawasak sa limang-buwang digmaan nitong nakaraang taon.
“Pangmatagalan at tuloy-tuloy na kapayapaan dito sa lugar namin sa Marawi at makabalik na ang aming mga residente dito, lalo na sa ground zero at sana magkaroon ng mapayapang reconstruction at rehabilitasyon ng siyudad,” ang pahayag ng pag-asa ni Dela Peña nang kapanayamin ng Radio Veritas.
Ito rin, aniya, ang ginagawa ng bawat isa na pagtulung-tulungang tumayo sa sariling paa mula sa karahasan at pagkasira, dulot ng digmaan.
Pinahihintulutan lamang, aniya, ang mga residente sa ‘ground zero’ na dalawin ang kanilang mga bahay nitong Linggo, subalit hindi pa rin pinapayagang makabalik dahil hindi pa natatapos ang clearing operation ng militar.