ILANG buwan na ang nakalipas makaraang manawagan si Pangulong Duterte para sa ikatlong telecommunications firm, karagdagan sa Globe at Smart, upang mapabilis ang Internet sa bansa at magkaloob ng mga serbisyo na naging mahalagang bahagi na ng kaunlarang pang-ekonomiya ng bansa. Inihayag niyang interesado ang China na mamuhunan sa industriya ng telekomunikasyon sa Pilipinas. At Makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpahayag na rin ng kaparehong interes ang iba pang mga bansa—kabilang ang Japan, Australia, South Korea, at India.
Gayunman, simula noon ay nagsulputan na ang mga problema, partikular na ang masalimuot na katotohanang kinakailangan ang napakalaking halaga upang maisakatuparan ang pamumuhunan. Sinasabing aabot sa P300 bilyon ang kinakailangan sa susunod na limang taon ng bagong kumpanya upang makipagsabayan sa duopoly, na namuhunan na rin ng bilyun-bilyong piso sa kani-kanilang operasyon sa nakalipas na mga taon.
Nang umapela ang Pangulo para sa ikatlong kumpanya sa layuning mapalawak ang kumpetisyon sa serbisyo ng telecom sa bansa, binanggit niyang mayroong 70,000 communication tower ang Vietnam, kumpara sa 16,300 ng Pilipinas.
Mangangailangan ng malaking pondo para maipatayo ang lahat ng tower na ito sa buong bansa, subalit ang mga pagsisikap ng duopoly na makapagtayo ng kani-kanilang tower ay nahahadlangan ng pahirapang pagkuha ng mga kakailanganing permit mula sa mga lokal na pamahalaan.
Minsan nang nagpanukala ang gobyerno na resolbahin ang nasabing problema sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga common tower, subalit nangangamba ang mga pribadong kumpanya na maaari itong makapigil sa sarili nilang pagpapasya para sa kani-kanilang kumpanya. May sarili silang mga plano para sa pagpapalawak ng kani-kanilang serbisyo, kabilang na ang paggamit ng fiber optics, at nais nilang magkaroon ng kani-kanyang tower.
Isinusulong ng Senado ang isang panukala na magpapahintulot ng higit na malayang access sa pagpapalitan ng data, na magtatanggal sa mga balakid sa pagpasok ng mga bagong telecom firms, gaya ng certificate of public convenience, provisional authority, at iba pang congressional requirements. Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, isa sa may akda ng panukala kasama ni Sen. Paolo “Bam” Aquino, na ang isa sa mga dahilan ng kasalukuyang sitwasyon ng serbisyo ng Internet sa bansa ay ang katotohanan ang pagpapalitan ng data ay nasasaklawan ng mga batas na hindi na napapanahon.
Sa kabila ng kawalan ng mga insentibo na iminumungkahi ng iba’t ibang sektor, naghain ng bid ang isang kumpanya, ang Tier1 Consortium ng Davao City, nitong Marso 27 sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang maging ikatlong telecom sa bansa. Iginiit nitong pagsisilbihan ang mga lalawigan sa Mindanao at itatayo sa Sultan Kudarat ang una nitong tower.
Katanggap-tanggap ang lahat ng sari-saring magagandang balitang ito; pawang may paborableng papel para maisakatuparan ang pangkalahatang hangarin na mapabuti ang serbisyo ng Internet sa buong bansa. Subalit inaantabayanan pa rin natin ang pagpasok sa bansa ng isa pang malaking consortium na suportado ng isang dayuhang telecom operation.
Kapag napili na ang ikatlong dambuhalang kumpanya, kakailanganin nitong makipagkumpetensiya sa dalawa pang kumpanya—na sila mismo ay nagawang mapagtagumpayan ang mga nabanggit na problema—sa inilarawan bilang malawakang agawan sa suporta ng publiko. Napakalawak ng oportunidad sa negosyo ng ikatlong kumpanya, subalit kakailanganin din nitong harapin ang mga suliraning matagal nang gumigiyagis sa duopoly, partikular na ang problema sa red tape, gaya ng pagkuha ng mga permit para sa pagpapatayo ng mga cell site tower na ngayon ay makukumpleto sa loob ng hindi bababa sa walong buwan.