Ni PIT M. MALIKSI
KUNG sakaling nabasa ninyo ang ilang English reviews ng inyong lingkod sa ibang broadsheets tungkol sa ilang primetime drama series ng Channel 7, ito ay patunay na nakatutok ako sa mga pograma ng GMA.
Tulad halimbawa ng The One That Got Away (TOTGA) na kakaiba at nakakaaliw na panoorin. Wika nga ni Dennis Trillo, pambansang pampa-good vibes ang TOTGA. Bukod sa maganda sa paningin at magaan sa damdamin, nakakadala ang mahusay na pagganap nina Rhian Ramos, Renz Fernandez, Lovi Poe, Dennis Trillo, Max Collins, Jason Abalos at ang suporta nina Snooky Serna, Bembol Roco, Migo Adecer at ang bibo at poging batang si Euwenn Mikael Aleta.
Masugid ding sinusubaybayan ng kabataan na mahihilig sa multo ang Kambal Karibal (KK) nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali. Humahataw din ang Contessa ni Glaiza de Castro, Hindi Ko Kayang Iwan Ka nina Yasmin Kurdi at Mike Tan, at ang Stepsisters nina Megan Young at Katrina Halili.
Kaya lamang, hindi rin maiiwasang mapansin ang malamyang pagganap ng ibang artista sa mga teleserye, mapa-GMA man o sa ibang network, na kung atin mang mapuna, nararapat lamang na ayusin ang pagbibigay-buhay sa kanilang sining.
Hindi naman siguro ikasasama ng loob ang mungkahing ibuga ni Marvin Agustin ang angas sa mga eksenang kinakailangan sa KK. Saan ka naman nakakita ng lunatic na malamya at kaswal maghasik ng bangis? May inhibition pa rin ba si Marvin na ibigay todo ang kanyang kilos at pananalita?
May pagka-OA naman ang pagbibitaw ng dialogue ng paborito kong si Christopher de Leon na gumanap bilang namayapang ama ni Marvin. Parang kinakain ni Boyet ang kanyang mga salita sa sobrang voice modulation. Hinahanap-hanap tuloy ng manonood ang kanyang natural na pagganap noon sa Tinimbang Ka Ngunit Kulang. Pagkaraang manalo ng awards, wala siyang tapang na tumanggap ng off-beat roles na magpapakita ng versatility bilang premyadong actor. OA at annoying din ang comedy-acting ni Nar Cabico sa TOTGA, na nakasanayan niya bilang stage actor.
Kinakikitaan rin at nakikipagsabayan na sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali sa kahusayan nina Carmina Villaroel at Alfred Vargas pero tunog ngongo si Bianca kapag isinasabay niya ang monologue sa pag-iyak. Siguro dapat niyang matutunan ang tamang paggamit ng diaphragm sa pagda-dialogue.
Sa Sherlock Holmes, Jr., hilaw pa rin ang pagbuhos ng emosyon nina Matt Evans, Gabbi Garcia, at Ruru Madrid. Mas napapansin ang maamong mukha at dimple ni Ruru na parang pigil din sa pagbato ng salita, si Gabbi ay magpapungay lang ng mata ang ginagawa, habang walang mapigang emosyon sa mukha ni Matt. Sa nababalitang lilipat na si Gabbi sa Kapamilya, hindi naman daw siya kawalan, ayon sa nakararaming tagasubaybay ng Kapuso.
Sa isang GMA digital TV advisory naman, malamya rin si Sef Cadayona, na napakahusay at natural gumanap na bading sa super-sikat na Bubble Gang. ‘Yon na!
Tulad ng nasabi ko, marami ring malalamyang pag-arte sa mga teleserye ng ibang network, pero sa Kapuso Network ako nakatutok, na para sa akin ay nagbibigay ng kakaiba at makabuluhang mga palabas sa manonood lalo pa kung paghuhusayin pa ng mga nabanggit ang kanilang pagganap.