Ni Clemen Bautista
SA mga lalawigan ng iniibig nating Pilipinas tulad sa Rizal, ang mga mamamayan ay may dalawang paniwala at pananaw sa Kuwaresma at ng Semana Santa. Kapag ang Ash Wednesday ay natapat sa kalagitnaan ng Pebrero, sinasabi na “mababaw” o maaga ang pasok ng Kuwaresma. At kung ang Ash Wednesday naman ay natapat ng Abril 9, sinasabi na “malalim” o matagal ang paggunita ng Semana Santa. Ngunit sa maaga o matagal man ang paggunita ng Semana Santa, ang mga may-ari ng imahen na nagiging bahagi ng paggunita ng Holy Week, panata na nila ang paghandaan ang pagsapit ng Mahal na Araw. Gayundin ang iba nating kababayan na may panatang tinutupad sa panahon ng Lenten season at Semana Santa.
Tulad ngayong 2018, maaga ang naging paggunita ng Semana Santa. Nagsimula ng ika-25 ng Marso at natapos ng Marso 31 na Sabado Santo na tinatawag din na Sabado de Gloria at Easter vigil. Ang huling araw naman ay ang Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay – ang paggunita at pagdriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo mula sa kamatayan. Sa mga bayan sa iba’t ibang lalawigan, may mga tradisyon at kaugaliang binibigyang-buhay at pagpapahalaga. Isang halimbawa ang masaya at makulay na “Salubong” o ang pagkikita ng Mahal na Birhen Maria at ng Kristong Muling Nabuhay (Risen Christ) na tampok ang dalawang prusisyon sa isang piniling lugar o daan sa bayan.
Sa mga parokya ng iba’t ibang Diocese sa lalawigan at lungsod, tampok sa pagdiriwang ng “Salubong” ang pag-aalis ng itim na balabal o lambong ng imahen ng Mahal na Birhen. Ang nag-aalis nito ay isang bataang babaeng anghel na puti ang damit. Nakatayo sa isang platform sa harap ng simbahan. Pagdaan ng imahen ng Mahal na Birhen, titigil sandali sa tapat ng platform at aalisin ang itim na lambong ni Mama Mary. Malalantad ang magandang damit na simbolo ng wakas ng pagluluksa. Sa ibang parokya, ang batang babaeng anghel, bago alisin ang itim na lambong ng Mahal na Birhen ay umaawit ng isang religious song na alay sa Mahal na Birhen na sinusundan ng malakas na palakpakan ng mga nagsimba at sumama sa prusisyon ng “Salubong”.
Ang panahon ng Semana Santa, ay nagsisilbi namang bakasyon para sa iba nating kababayan at maging ng mga artista sa pelikula at telebisyon. Kung ang nakararami’y nagsisiuwi sa kani-kanilang bayan upang makiisa sa paggunita ng Semana Santa, ang iba’y nagpupunta sa mga bayan o lalawigan na may magandang resort. May magkasintahan. May mag-anak o pamilya. Ang mga mayaman at nakahilata sa salapi ay sa mga kilala at bantog na resort nagtutungo. Doon sila magma-Mahal na Araw. Mababanggit na halimbawa ang El Nido sa Palawan at ang Boracay sa Malay, Aklan. Sa kabila ng balitang ang tubig sa Boracay ay tila y cesspool o swimming pool ng dumi ng tao, hindi rin naawat sa pagtungo roon ang iba nating kababayan at mga turista mula sa ibang bansa. Naglunoy, nagbabad at naligo sa dagat ng Boracay. Ang iba’y naglakad sa dalampasigan na ang buhangin ay parang puting asukal na repinado. May nagbilad sa araw. Ang mga turistang dayuhan ay nakahilata sa isinaping tuwalya sa puting buhangin. Naka-two piece bikini. Ang iba’y braless.
Walang pakialam, makita man ng mga naglalakad ang boobs nilang mala-papayang Batangas at parang pritong itlog na itinapal.
Sa paggunita ng Semana Santa, libu-libong tao mula sa iba’t ibang bansa sa daigdig ang nagtungo sa Saint Peter’s Square sa Vatican City sa Roma at dumalo sa Easter Mass ni Pope Francis. Tampok sa Easter Mass ang “Urbi et Orbi’ o To the City and the World ng Papa. Ngayong 2018, bahagi ng “Urbi et Orbi” ni Pope Francis ang kanyang panawagan na wakasan na ang “carnage” o mga pagpatay sa Syria at magkaroon ng “reconciliation”o pagkakasundo.
Ayon pa sa mensahe ni Pope Francis, “Today we implore fruits of peace upon the entire world, beginning with the beloved and long suffering Syria. This Easter, may the light of risen Christ ilumine the conciences of all political and military leaders, so that a swift end may be brought to the carnage in course”.
Sa nakalipas na paggunita ng Semana Santa na panahon ng pagninilay, pagdarasal at pagbabalik-loob, naging asal-Kristiyano, ugaling Hudyo at pagano man ang iba nating kababayan, ang mga naganap at kanilang ginawa ay hindi malilimot na alaala ng Semana Santa.