Ni TARA YAP
ILOILO CITY – Kahit pa bitay ang inihatol ng hukuman, muling hiniling ng pamilya ng pinatay na overseas Filipino Worker (OFW) na si Joanna Demafelis ang extradition sa Kuwait sa mag-asawang pumatay kay Joanna— ang Lebanese na si Nader Essam Assaf at ang asawa nitong Syrian na si Mona Hassoun.
Sa panayam, sinabi ni Joejet Damafelis, panganay na kapatid ni Joanna, na kailangang maibalik sa Kuwait ang mag-asawa upang harapin ang parusa sa mga ito.
Sinentensiyahan in absentia nitong linggo ng Kuwaiti Criminal Court ng “death by hanging” ang mag-asawang employer ni Joanna, na pumatay dito sa gulpi bago isiniksik ang katawan nito sa freezer.
Gayunman, wala ang mag-asawa nang basahan ng hatol dahil nananatili sa Lebanon si Assaf habang si Hassoun naman ay nasa Damascus, Syria.
Patuloy naman ang apela ng pamilya Demafelis, ng Sara, Iloilo, sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte upang hilingin sa Lebanon at Syria na mai-turn-over ang mag-asawa sa Kuwait.
Idinagdag din ni Joejet na hinihintay ng kanilang pamilya ang tugon nina Labor Secretary Silvestre Bello III at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kung pahihintulutan silang makapunta ng Kuwait upang personal na makita ang pumaslang kay Joanna.