Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Hindi mareresolba ang isyu ng contractualization o “endo” sa paglalabas lamang ni President Rodrigo “Digong” Duterte ng isang Executive Order (EO) dahil nangangailangan ito ng batas, inilahad ng Malacañang kahapon.

Ito ang ipinahayag ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra kasunod ng mga ulat na nakatakdang makipagpulong ni Duterte sa mga samahan ng manggagawa bago ang Semana Santa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Guevarra, sa press briefing, na pinag-aaralan na ang EO sa Office of the Executive Secretary (OES) ngunit ang problema ay hindi ito mareresolba ng Executive Department sa simpleng EO lamang.

“The main problem there is ‘yung mga gustong mangyari ay something the Executive Department is not empowered to do.

Kailangan legislative action talaga. Because Labor Code yan, e. Nandoon yung mga provisions against contractualization but allowing in some areas,” paliwanag ni Guevarra.

“So if you want something like a total ban on contractualization, you need a law to repeal or amend that particular provision of the labor code,” dugtong niya.

“’Yung (The) total ban itself is something we cannot do by EO,” patuloy niya.

Ayon pa sa opisyal ng Palasyo, ang magagawa lamang ng EO ay suportahan o palakasin ang mga probisyon ng umiiral na batas.

“But it cannot add or subtract, or substantially alter what the law provides. That’s really more for Congress to do. So I hope you will understand the limitations of an Executive Order,” ani Guevarra.

Sa ngayon, ayon kay Guevarra, ang magagawa lamang ng Executive Branch ay bantayan kung sumusunod ang mga employer sa labor code, lalo na sa probisyon kaugnay sa endo.

Ayon kay Guevarra, nasa proseso na sila ng pagsasama-sama sa tatlong iba’t ibang draft ng EO mula sa labor groups, DoLE, at sa Office of the President. Gayunman, sinabi niya na hindi naman ito nalalayo sa department orders ng DoLE kaugnay sa contractualization.

Sinabi ni Guevarra na ang magagawa lamang ng Executive Branch ay magpanukala sa Kongreso na gumawa ng bagong batas.

“The Executive can make can make an initiative in making that proposal and pushing for it in Congress,” aniya.

Ipinangako ni Pangulong Duterte na wawakasan niya ang endo sa kanyang kampanya sa panguluhan noong 2016.