Ni Reggee Bonoan
ISA ang BuyBust ni Anne Curtis sa mga pelikulang nabili ng Netflix, kaya hindi na ito natuloy na maipalabas dito sa Pilipinas nitong Pebrero 28.
Napanood namin ang trailer ng BuyBust sa UP Film Center nang magkaroon ng special screening ang Mr. & Mrs. Cruz at in-announce na Pebrero 28 nga ito mapapanood sa mga sinehan.
Pero hindi nga natuloy at ikinatuwa rin naman ng Viva Films at ni Direk Erik Matti na co-producer din ng pelikula ang pagkakabili ng Netflix sa produkto nila.
Iisa ang sinasabi ng mga kasama sa BuyBust movie, maganda kahit madugo ang mga eksena, kaya curious din ang lahat kung ano ang rating na ibibigay ng MTRCB lalo na’t mas matindi pa raw ito sa OTJ (On the Job) nina Gerald Anderson at Piolo Pascual na idinirek din ni Erik Matti.
Isang buong gabi lang daw nangyari ang Buy Bust na si Anne ang pinakabida, pero inabot ng ilang taon ang shooting nito dahil hindi magtagpu-tagpo ang schedules ng main cast kaya marami ang pinalitan sa original na gumanap dahil ‘yung iba ay tumanggap na ng ibang offers.
Curious kami kung sino ang kontrabida sa BuyBust na tinutugis ng grupo ni Anne dahil hindi naman ipinakita sa trailer.